Monday, November 07, 2016

ANG KASAYSAYAN NG IGLESIA NI CRISTO

Paglalahad ng kasaysayan sa naganap na pagtalikod "apostasy" ng Iglesia sa mga tunay na aral ng Panginoong Diyos at Panginoong Jesucristo.


 ANG NAGANAP NA PAGTALIKOD SA UNANG

IGLESIA NI CRISTO

TEOFILO C. RAMOS, SR.

MAHALAGANG MALAMAN ang kasaysayan ng Iglesia na itinayo ng ating Panginoong Jesucristo noong unang siglo. Paano ito nagsimula? Ano ang nangyari sa Iglesiang ito sa panahon ni Cristo at ng Kaniyang mga apostol at ano ang sasapitin nito pagkamatay ng mga apostol?

ANG IGLESIA SA PANAHON NI CRISTO

                 Simulan natin ang pag-aaral sa kasaysayan ng Iglesia sa panahon ni Cristo at ng mga apostol.

                Sino ang nagtatag ng tunay na Iglesia ni Cristo? Sa Mateo 16:18 ay ganito ang pahayag ng ating Panginoong Jesus: 
                “At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.”
 
                Ang nagtayo ng tunay na Iglesia ay si Cristo. May nagsasabi na hindi raw natayo ang Iglesia noong narito pa sa lupa si Cristo, sapagkat ang sabi ay “itatayo ko ang aking iglesia.” Kaya ito’y itatayo pa lamang. Hindi nga kaya naitayo ni Cristo ang Iglesia noong narito pa siya sa lupa? Ano ang katunayang may Iglesia na noong narito pa si Cristo sa lupa?
 
                Sa Lucas 12:32 ay ganito ang pahayag ni Cristo:
                 “Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka’t nakalulugod na mainam sa Ama ang sa inyo’y ibigay ang kaharian.”
                
                   Kausap na ni Cristo sa talatang ito ang munting kawan. Alin ang kawan? Sa Gawa 20:28, salin mula sa Ingles:
                 “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo ng mga Katiwala, upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang sariling dugo.” (Lamsa)
 
                Ang kawan ay ang Iglesia ni Cristo. Samakatuwid, naitayo na ni Cristo ang Kaniyang Iglesia noong narito pa siya sa lupa.
                
                Bakit ang sabi ni Cristo ay munting kawan? Sapagkat kakaunti pa lamang ang mga kaanib noon. Ang katunayan noon pa man ay nakatayo na ang Iglesia ay ng mabuhay muli ang Panginoon. Napakita Siya sa mahigit na 500 kapatid. Sa I Corinto 15:4-6 ay ganito ang sinsabi:
                 “At siya’y inilibing; at siya’y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan;
                 “At siya’y napakita kay cefas, at saka sa labingdalawa;
                 “Pagkatapos ay napakita sa mahigit na limang daan kapatid na paminsan, na ang karamihan sa mga ito’y nangabubuhay hanggang ngayon, datapuwa’t ang mga iba’y nangatulog na.”
 
Ang isa pang katunayan ay noong umakyat sa langit ang ating Panginoong Jesucristo: nagkatipon ang 120 kapatid.
 
Sa Gawa 1:11-15 ay ganito ang mababasa: 
“Na nangagsabi naman, Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo’y nangatatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.
 “Nang magkagayon ay nangagbalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng Olivo, na malapit sa Jerusalem, na isang araw ng sabbath lakarin.”
 “At nang sila’y magsipasok sa bayan, ay nagsiakyat sila sa silid sa itaas, na kinatitirahan nila; ni Pedro at ni Juan at ni Santiago at ni Andres, ni Felipe at ni Tomas, ni Bartolome at ni Mateo, ni Santiago na anak ni Alfeo, at ni Simong Masikap, at ni Judas na anak ni Santiago.”
 “At ang lahat ng mga ito’y nagsipanatiling matibay na nangagkakaisa sa panalangin, na kasama ang mga babae, at si Maria na ina ni Jesus, at pati mga kapatid niya.
 “At nang mga araw na ito’y nagtindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid, at nagsabi (at nangagkatipon ang karamihang mga tao, na may isang daa’t dalawangpu).”
 
May 120 ang nagkatipon noong umakyat sa langit si Cristo. Malinaw na noong narito pa sa lupa si Cristo ay naitayo Niya ang Kaniyang Iglesia.

ANG IGLESIA SA PANAHON NG MGA APOSTOL 

                Ano ang kalagayan ng Iglesia Ni Cristo sa panahon ng mga apostol? Sa Gawa 2:42 ay ganito ang sinasabi: 

               “At sila’y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga panalangin.” 

                 Sa panahon ng pangangasiwa ng mga apostol, ang mga kapatid ay nagsipanatiling matibay sa turo at sa pananalangin. Naragdagan din ang bilang ng mga kapatid noon. Ang katunayan nito ay ang nakasulat sa Gawa 16:4-5: 

                 "At sa kanilang pagtahak sa mga bayan, ay ibinigay sa kanila ang mga utos na inilagda ng mga apostol at ang mga matatanda sa Jerusalem, upang kanilang tuparin. 

                “Kaya nga, ang mga iglesia’y pinalakas sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.” 

                 Ano ang sinapit ng Iglesia ni Cristo sa Jerusalem? Sa Gawa 8:1-3 ay ganito ang pahayag: 

                 “At si Saulo ay sumangayon sa kaniyang pagkamatay. At nang araw na yao’y nangyari ang isang malaking paguusig laban sa iglesia sa Jerusalem; at silang lahat ay nagsipangalat sa lahat ng dako ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol. 

                “At inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at siya’y tinangisan ng di kawasa. 

                 “Datapuwa’t pinuksa ni Saulo ang iglesia, na pinasok ang mga bahay-bahay, at kinaladkad ang mga lalake’t mga babae, at sila’y ipinapasok sa bilangguan.”

                 Nagkaroon ng isang malaking paguusig laban sa Iglesia na nasa Jerusalem sa pangunguna ni Saulo (na siya ring naging Apostol Pablo).
                          Ang unang biktima ng pag-uusig ni Saulo ay si Esteban. Ang mga kaanib sa Iglesia ay nagsipangalat sa lahat ng dako ng Judea at Samaria maliban sa mga apostol.
 
                Ano ang ginawa ng mga nagsipangalat? Sa Gawa 8:4 ay ganito ang mababasa:
                 “Ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang salita.”
 
                Ang mga kapatid na nagsipangalat ay nagsipaglakbay na ipinangangaral ang mga salita ng Diyos. Samakatuwid, noong panahong ang Iglesia ay nasa pangangasiwa ng mga apostol ay nanatili ito sa aral ni Cristo na malakas sa pananampalataya at masipag sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 
 
HINULAAN ANG PAGTALIKOD
 
                Noong narito pa sa lupa ang ating Panginoong Jesucristo, ano ang ipinagpauna Niya na mangyayari sa Iglesia? Sa Mateo 24:11 ay ganito ang pahayag:
 
ANG NAGING KASALANAN NG ISRAEL
                “Lilitaw ang maraming bulaang propeta at ililigaw ang marami.” (New Pilipino Version)
                Ayon kay Cristo, lilitaw ang maraming bulaang propeta at ililigaw ang marami sa Kaniyang mga alagad.
                Ano ang katumbas ng “ililigaw ang marami”? Sa Mateo 24:10 ay ganito ang katumbas:
                “Maraming tatalikod sa kanilang pananampalataya at mapopoot sa isa’t isa.” (Magandang Balita Biblia)
                Ang katumbas ng “ililigaw ang marami” ay marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Ayon kay Cristo, may magaganap na pagtalikod sa pananampalataya.
                Ano naman ang gagawin sa hindi naitalikod o hindi nailigaw? Sa Mateo 24:9 ay ganito ang pahayag ni Cristo:
                “Sa panahong ‘yon, kayo’y uusigin at papatayin. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin.” (NPV)
                Ang hindi tumalikod sa pananampalataya ay pinatay kaya nawalan ng mga tunay na kaanib ang Iglesia. Bagaman namalagi ang organisasyon, ngunit yaon ay isang organisasyong tumalikod na.
                Hindi kataka-taka na hindi natin kinagisnan ang Iglesia Ni Cristo na itinayo ni Cristo noong unang siglo. Ayon naman sa mga apostol, mayroon bang magaganap na pagtalikod sa Iglesia ni Cristo. Sa Gawa 20:29-30 ay ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
                “Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan;
                “At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan.”
                Ayon kay Apostol Pablo, may magsisipasok sa Iglesia na mga ganid na lobo at hindi nila patatawarin ang kawan o Iglesia. Kausap niya sa pagkakataong ito ang mga obispo at ayon sa kaniya, sa kanilang kasamahan lilitaw ang magsasalita ng masama.
                Kailan magaganap ang pagtalikod sa unang Iglesia ni Cristo ayon sa hula? Sa Gawa 20:25 ay ganito ang paliwanag:
                “At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinangaralan ng kaharian, ay hindi na ninyo muling makikita pa ang aking mukha.”
                Ang “pag-alis” na tinutukoy ni Apostol Pablo ay ang “pag-alis” na hindi na muling makikita pa ang kaniyang mukha.
                Ano ang ibinunga sa mga kapatid nang ito’y sabihin ni Apostol Pablo? Sa Gawa 20:37-38 ay ganito ang sinasabi:
                “At silang lahat ay nagsipanangis ng di kawasa, at nangagsiyakap sa leeg ni Pablo at siya’y hinagkan nila.
                “Na ikinahapis ng lalo sa lahat ang salitang sinabi niya, na hindi na nila makikitang muli pa ang kaniyang mukha. At kanilang inihatid siya sa kaniyang paglalakbay hanggang sa daong.”
                Ikinahapis ng mga kapatid ang sinabi ni Apostol Pablo na sa kaniyang pag-alis ay hindi na nila makikita pang muli ang kaniyang mukha at sa panahon ding yaon lilitaw ang mga bulaang propeta na magtatalikod sa Iglesia.
                Ano ang tunay na kahulugan nang sinabi ni Apostol Pablo na hindi na makikita pa ang kaniyang mukha? Sa II Timoteo 4:6 ay ganito ang pahayag:
                “Sapagka’t ako’y inialay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na.”
                Ang tunay na kahulugan ng sinabi ni Apostol Pablo na hindi na makikita pang muli ang kaniyang mukha ay ang kaniyang pagpanaw o pagkamatay. Pagkamatay ng mga apostol ay lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga bagay na masama at itatalikod ang mga hinirang.
                Pinatutunayan din ba ni Apostol Pedro na magkakaroon nga ng pagtatalikod sa Iglesiang itinayo ni Cristo? Sa II Pedro 2:1-3 ay ganito ang patotoo:
                “Ngunit may magsisilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo’y magkakaroon ng mga bulaang guro, mangagpapasok sa lihim ang mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak.
                “At maraming magsisisunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila ay pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan.”
                “At sa kasakiman sa mga pakunwaring salita ay ipangangalakal kayo: na ang hatol nga sa kanila mula nang una ay hindi nagluluwat, at ang kanilang kapahamakan ay hindi nagugupiling.”
                Katulad na katulad ito ng ibinabala ni Apostol Pablo tungkol sa paglitaw ng mga bulaang propeta, gagamit ng kasinungalingan o pakunwaring salita at magtuturo ng hiduwang pananampalataya.
                Samakatuwid pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay mawawala ang tunay na Iglesia ni Cristo sapagkat ang mga kaanib nito ay ililigaw o itatalikod sa pananampalataya samantalang ang iba ay papatayin.
 
            INAANGKIN NG IGLESIA KATOLIKA na ang kaniyang pasimula ay matutunton pabalik sa panahon ng mga apostol noong unang siglo kaya ang Iglesia Katolika raw ang tunay na Iglesia. Subalit ang pag-aangking ang Iglesia Katolika ang tunay na Iglesia ay salat sa katotohanan sapagkat natupad ang ibinabala ni Cristo at ng mga apostol na pagtalikod sa pananampalataya, ang naging bunga ng pagtalikod na iyon ay ang Iglesia Katolika.
            Mangyari pa, hindi ito tinatanggap ng mga kaanib at tagapagturo sa Iglesia Katolika. Paano raw sasabihing sila’y tumalikod gayong si Cristo at ang Diyos ang kanilang pinaglilingkuran? Ang ganitong pagmamatuwid ay bunga ng hindi pagkaunawa sa kahulugan ng salitang pagtalikod. Kaya mahalagang maunawaan ng tao ang kahulugan ng salitang “pagtalikod”. Ano ang ibig sabihin na natalikod ang unang Iglesia? Mayroon bang binabanggit ang Biblia ukol sa pagtalikod? Sa I Timoteo 4:1 ay ganito ang pahayag ukol sa pagtalikod:
             “Nguni’t hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba’y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio.”
              Ang salitang “pagtalikod” ay nakasulat sa Biblia. Isinasaad sa talata na ating sinipi na sa mga huling panahon ay mayroong magsisitakilod sa pananampalataya.
              Paano natalikod sa pananampalataya ang unang Iglesia ni Cristo? Sa ikauunawa nito ay alamin muna natin: Paano ba nagkakaroon ng pananampalataya ang tao? Sa Roma 10:17 ay ganito ang sinasabi:
                “Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Cristo.” (Magandang Balita Biblia)
                Ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig. Ngunit sinong tagapangaral ang kapag pinakinggan ng tao ay magbubunga ng tunay na pananampalataya? Sa Roma 10:15 ay ganito ang pahayag:
                “At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya sinugo? Ayon sa nasusulat, ‘O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng mabuting balita’!” (Ibid.)
                Ayon kay Apostol Pablo, ang tanging may karapatang mangaral ay ang isinugo ng Diyos. Ano ang katangian ng pangangaral ng sugo? Sa Juan 3:34 ay ganito ang ating mababasa:
                “Sapagka’t ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios: sapagka’t hindi niya ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.”
                Ang sinugo ng Diyos ang nagsasalita o nagtuturo ng Kaniyang mga salita. Pangahas ang sinumang nangangaral nang hindi naman inutusan ng Diyos.
                Dahil dito habang ang tao ay nananatili sa mga aral ng Diyos na itinuro ng sinugo ay nananatili siya sa tunay na pananampalataya. Kapag humiwalay siya sa mga aral ng Diyos dahil sa ang pinakinggan niya ay hindi sinugo ng Diyos, iyon ay pagtalikod sa pananampalataya.
                Kaya, ano ang katangian ng kalipunan ng mga tunay na sumasampalataya o ng tunay na Iglesiang kay Cristo? Sa Juan 10:27 ay ganito ang patotoo:
                “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.”
                Ang mga tupa ni Cristo ay nakikinig at sumusunod sa Kaniya. Ang mga ito ang kinikilala ni Cristo na sa Kaniya.
                Gaano kahalaga ang pagsunod sa ating Panginoong Jesus? Sa Juan 10:27-28 ay ganito ang patotoo:
                “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin:
                “At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.”
                Ang nakikinig at sumusunod sa mga utos ni Cristo ay bibigyan Niya ng buhay na walang hanggan. Hindi sila malilipol o maagaw sa Kaniyang mga kamay. Ang mga ito ang hindi matatalikod sa pananampalataya.
                Ang ibinabala ni Apostol Pablo na pagtalikod sa pananampalataya ay natutuhan niya sa Panginoong Jesucristo. Sa Mateo 24:11 ay ganito ang pahayag:
                “At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.”
                Ang pagtalikod sa pananampalataya ay mangyayari paglitaw ng mga bulaang propeta.
                Paano ililigaw o itatalikod sa pananampalataya ng mga bulaang propeta ang mga alagad ni Cristo? Sa Gawa 20:30 ay ganito ang mababasa:
                “Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila.” (MB)
                Sa kapulungan ng mga Obispo (cf. Gawa 20:28,30) lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mailigaw o maitalikod sa pananampalataya ang mga alagad. Bagaman namalagi ang organisasyon, ito ay ibang-iba na kaysa sa Iglesiang itinayo ni Cristo. Hindi na ang mga utos ng Diyos ang kanilang sinunod, kundi ang aral na kasinungalingan.
                Alin ang kasinungalingan na sinunod ng mga tumalikod sa pananampalataya? Sa I Timoteo 4:1 ay ganito ang sinasabi:
                “Nguni’t hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba’y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng demonio.”
                Ang mga aral ng demonio ang kasinungalingan. Kaya kahit sabihin pa ng sinuman na hindi sila tumalikod sa Diyos at kay Cristo, sukat na ang sila’y tumalikod sa aral ng Diyos, ito’y pagtalikod na.
                Iminamatuwid ng mga taong ayaw maniwalang naganap ang pagtalikod sa unang Iglesia na imposible raw na matalikod ang Iglesiang itinatag ni Cristo. Paano raw sasabihing natalikod ang Iglesia gayong buo pa rin ang organisasyon? Tunghayan natin ang kasagutan sa Daniel 9:11:
                “Ang buong Israel ay nagkasala sa iyo, tumalikod sa iyong kautusan at hindi nakinig sa iyong tinig. Dahil dito, ibinuhos mo sa amin ang matinding poot mo na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod mong si Moises.” (MB)
                Nang magkasala sa Diyos ang bayang Israel, tinalikuran nila ang mga utos Niya sa paraang hindi nila tinutupad ang mga ito. Bagaman namalaging bayan ang Israel, ngunit hindi na iyon bayan ng Diyos. Napoot ang Diyos sa kanila dahil sa pagsalansang sa Kaniyang mga utos.
Katulad din ng nangyari sa unang Iglesia. Namalagi itong Iglesia ngunit hindi na tunay, kundi isang Iglesia na tumalikod sa mga aral ng Diyos at ni Cristo. Sa Mateo 24:11 at ay ganito ang ibinabalang mangyayari:
“At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.”
“Kung magkagayo’y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo’y papatayin: at kayo’y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.”
Ibinabala ng ating Panginoong Jesucristo na babangon ang maraming bulaang propeta. Ililigaw nila ang marami.
Subalit ang iminamatuwid naman ng iba ay ito: Kung nagkaroon man daw ng pagtalikod, mayroon naman daw natira at sila raw iyon. Ang totoo ay walang natira sa mga tunay na sumasampalataya sapagkat yaong hindi tumalikod sa pananampalataya ay ipinapatay. Sino ang nagpapatay sa kanila? Sa Gawa 20:29 ay ganito ang pahayag:
“Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan.” (MB)
Ang sisila sa kawan o sa Iglesia ay ang mababangis na asong-gubat at kanilang lilipulin ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo.
Sino ang tinutukoy na mababangis na asong-gubat? Sa Mateo 7:15 ay ganito ang mababasa:
“Mag-iingat kayo sa mga bulaang propeta; nagsisilapit sila sa inyo na animo’y tupa, ngunit ang totoo’y mababangis na asong-gubat.” (Ibid.)
Ang mga asong-gubat ay ang mga bulaang propeta na siyang magtatalikod sa unang Iglesia.
Tangi sa mga bulaang propeta, sino pa ang tinatawag na asong-gubat? Ezequiel 22:27 ay ganito ang pahayag:
“Ang mga pinuno nila’y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila’y walang awang pumapatay upang yumaman.” (Ibid.)
Ang tinatawag ng Biblia na mga asong-gubat ay tumutukoy din sa mga malulupit na pinuno. Sila’y walang awa na pumapatay sa mga unang Cristiano o mga unang kaanib sa Iglesia ni Cristo. Kaya, bagaman nagpatuloy ang organisasyon, iyon ay hindi na tunay sapagkat sila’y nailigaw na. Ang hindi pumayag na matalikod sa pananampalataya ay pinatay ng masasamang pinuno ng bansa.
 
ANG PAGTALIKOD NA nangyari sa Iglesiang itinayo ni Cristo ay hindi maaaring pasinungalingan sapagkat ang mga hula ukol dito ay nakasulat sa Biblia. Ang katuparan ng mga hulang ito ay makikita sa pangyayari dahil nakatala ito sa mga aklat ng kasaysayan na walang kinikilingan. Paghambingin natin ang sinasabi ng Biblia at ang nakatala sa mga aklat ng kasaysayan.
Ano ang hula ni Apostol Pablo ukol sa mangyayari sa unang Iglesia? Sa Gawa 20:29 ay ganito ang mababasa:
“Pag-alis ko, alam kong papasukin kayo ng mababangis na lobo at walang patawad na sisilain ang kawan.” (New Pilipino Version)
Ayon sa hula ni Apostol Pablo, papasukin at sisilain ng mababangis na lobo ang kawan at ito’y magaganap pagkaalis niya.
Sinu-sino ang tinutukoy na mababangis na lobo at ano ang ibig sabihing sisilain ng mababangis na lobo ang kawan o ang Iglesia?
                “Ang mga pinuno nila’y parang mga lobo na niluray ang kanilang huli; nagbububo sila ng dugo at pumapatay ng mga tao para magtamo ng pakinabang na di makatarungan.” (Ezek. 22:27. Ibid.)
                Ang mababangis na pinuno ng bansa ay itinulad sa mga lobo na niluluray ang kanilang huli. Sila ay nagbububo ng dugo at pumapatay ng mga tao para magtamo ng di makatarungang pakinabang. Samakatuwid papatayin ng mababangis na pinuno ng bansa ang mga alagad ng ating Panginoong Jesucristo.
                Ano pa ang ipinagpauna ni Apostol Pablo na mangyayari sa mga alagad ni Cristo kaya hindi natin kinagisnan ang tunay na Iglesiang itinayo ni Cristo? Sa Gawa 20:30 ay ganito ang mababasa:
                “Maging sa mga kasamahan ninyo, lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan para maihiwalay ang mga alagad at mapasunod sa kanila.” (Ibid.)
                Kausap ni Apostol Pablo sa pagkakataong ito ang mga obispo (cf. Gawa 20:30). Sinabi niya: “sa mga kasamahan ninyo, lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan para maihiwalay ang mga alagad at mapasunod sa kanila.” Dadayain nila ang mga alagad ni Cristo sa pamamagitan ng mga kasinungalingan.
                Ano ang ibig sabihing magsasalita ng kasinungalingan? Alin ang kasinungalingan? Ano ang sama kapag ang sinuman ay sumunod sa kasinungalingan? Ano ang ibinunga nito sa unang Iglesia? Sa II Pedro 2:1 ay ganito ang paliwanag:
                “Kung paanong sa gitna ng mga tao’y nagkaroon ng mga bulaang propeta, lilitaw din sa gitna ninyo ang mga bulaang guro. Lihim silang magpapasok ng mga kabulaanang makasisira sa inyong pananampalataya. Itatanggi nila pati ang Kataastaasang Panginoon na tumubos sa kanila, kaya ito ang mabilis na pupuksa sa kanila.” (Ibid.)
                Ayon kay Apostol Pedro, ang mga bulaang propeta ay lihim na magpapasok ng mga kabulaanang aral. Iyon din ang ibinabala ni Apostol Pablo na kasinungalingan gagamitin upang ihiwalay ang mga alagad. Ano ang ibubunga nito? Ito ang makasisira sa pananampalataya ng mga Cristiano.
                Sino ang mga bulaang propeta o bulaang guro na tinutukoy ng mga hula? Sa Gawa 20:30 ay ganito ang pahayag:
                “At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan.”
                Ipinagpauna na ni Apostol Pablo sa mga obispong kausap niya noon na sa kanilang kasamahan magmumula ang mga taong magsasalita ng mga bagay na masasama upang dalhin ang mga alagad ni Cristo sa kanilang hulihan o italikod sa pananampalataya.
                Kailan ito magaganap? Sa Gawa 20:29 ay ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
                “Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan.” (MB)
                Aling pag-alis ang tinutukoy ni Apostol Pablo? Gawa 20:25 ay ganito ang kaniyang paliwanag:
                “Nakisalamuha ako sa inyo samantalang nangangaral ako tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli.” (Ibid.)
                Ang pag-alis na tinutukoy ni Apostol Pablo ay yaong pag-alis na hindi na muling makikita pa ang kaniyang mukha, kaya hindi ito karaniwang pag-alis na paglalakbay.
                Bakit sinabi ni Apostol Pablo na hindi na siya muling makikita? Sa II Timoteo 4:6 ay ganito ang pahayag:
                “Ako’y iaalay na; dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito.” (Ibid.)
                Ang tinutukoy ni Apostol Pablo ay ang kaniyang pagpanaw. Kaya pagkamatay niya, lilitaw ang mga bulaang propeta na magtatalikod sa Iglesia.  Sa panahon ding iyan papasok ang mga asong-gubat o mababangis na pinuno ng bansa para silain ang kawan o mga alagad ni Cristo na ayaw pumayag na tumalikod sa mga aral ng Diyos at ni Cristo. Bagamat nagpatuloy ang organisayson sa pagiral, gayuman wala na ito sa uring tunay na Iglesia ni Cristo.
                 Nakatala ba sa kasaysayan na pinasok nga ng mga maling aral na nakasira ng pananampalataya ang unang Iglesia?
                Sa The Church in History ni B.K. Kuiper, sa mga pahina 44 at 17 ay ganito ang pagkakasalin mula sa Ingles:
                “… Ang panahon ng mga Apostol ay natapos mahigit kumulang noong taong 100. Ang mga Apostol ay sinundan ng mga ‘Apostolic Fathers.’ Mula sa kanilang mga sulat ay makikita natin na ang mga palatandaan ng pagkasira ay bumabalisa sa Iglesia. Sa sumunod na 400 taon, ang pagkakasirang yaon ay tuloy-tuloy na lumubha.
                “… Ang tamang doktrina ay mahalaga. Ang maling doktrina ay sisira sa Iglesia. Ang Iglesia ay hindi mabubuhay sa pamamagitan ng maling doktrina. Kaya ang huling kalahati ng ikalawang siglo ay isang panahon na katakut-takot na krisis sa Iglesia.”
                Ayon sa aklat ng kasaysayan, ang panahon ng mga apostol ay natapos humigit-kumulang noong taong 100. Ang sumunod pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay ang tinatawag na “Apostolic Fathers.” Mula noon ay nakita ang palatandaan ng pagkasira na bumabalisa sa Iglesia. Sa sumunod na 400 taon ay lumubha ang pagkasira ng Iglesia dahil sa mga maling doktrina na pumasok dito. Sa huling kalahati pa lamang ng ikalawang siglo ay naghari na ang katakut-takot na krisis sa Iglesia.
                Ano ang tawag ng kasaysayan sa mga maling aral o doktrina na sumira sa unang Iglesia?
                Sa The World’s Great Events, Vol. 2, mga pahina 163-164 ay ganito ang pahayag:
                “Noong una, ang kasaysayan ng Iglesia Romana ay katulad ng kasaysayan ng katotohanang Cristiano. Datapuwa’t  nakalulungkot na dumating ang isang panahon na nagsimulang dumaloy ang mga batis ng lason mula sa dati ay isang dalisay na bukal.” (Salin mula sa Ingles).
                Ang lason ay nakamamatay. Ang Iglesia ay pinasok ng lasong nakamamatay – ang mga lasong aral. Kaya namatay ang pagka-Iglesia ni Cristo ng mga sumunod na maling doktrina. Ito ang ibig sabihin ng pagtalikod. Hindi nawala ang organisasyon. Nagpatuloy ito sa pag-iral ngunit nawala na sa uring dalisay sapagkat nalason ang kaniyang pananampalataya.
                Natupad ba, alinsunod sa kasaysayan, na ang magtatalikod ay manggagaling nga sa loob ng Iglesia, sa kapulungan ng mga Obispo?
                Sa Understanding the New Testament na sinulat nina Howard Clark Kee, Franklin W. Young, Karlfried Froehlich, sa pahina 417 ay ganito ang pahayag:
                “Bumangong muli ang panganib sa loob ng Iglesia. Ang mga bulaang guro ay dating mga kaanib sa komunidad Cristiano na kung saan sila ay nabuhay nang di nila napansin hanggang sa pamamagitan ng kanilang hayagang paghihiwalay….Inilantad nila ang kanilang tunay na pagkakakilalan (2:16). Sila ay ‘mga bulaang guro’ (4:1), “mga anti-Cristo” (2:18),” (Salin mula s Ingles)
                 Ang mga bulaang guro ay mga dating kaanib sa Iglesia. Hayagan silang nagsihiwalay kaya nalantad ang kanilang  tunay na pagkakakilanlan na sila’y mga bulaang guro. Nahayag ang kanilang pagiging anti-Cristo.
                Ang mga Obispo nga ba ang nanguna sa pagtalikod ayon sa aklat kasaysayan? Sa aklat na A History of Christianity ni Paul Johnson, sa pahina 74, ay ganito ang pahayag:
                “Si Cipriano, sumulat mula sa Africa, ay nagsasabi na nagkaroon ng malaking pagtalikod sa pananampalataya na pinangunahan ng mga Obispo..” (Salin mula sa Ingles)
                Kailan nangyari ang paglitaw ng mga bulaang guro? Sa The Story of the Church ni A.M. Renwick, sa pahina 34, ay ganito ang pahayag:
                “Ang mga Apostol ay namatay nang lahat, at ang mga di-pangkaraniwang kaloob ng Espiritu Santo na ikakikilala sa unang Iglesia ay pumanaw. Maraming bulaang propeta ang bumangon…” (Salin mula sa Ingles)
                Pagkamatay ng lahat ng mga apostol, ang kaloob ng Espiritu Santo, na siyang pagkakakilanlan sa tunay na Iglesia, ay nawala. Bumangon ang maraming bulaang propeta. Kaya ang pagtalikod sa tunay na Iglesia ay nangyari pagkamatay ng mga apostol, gaya ng sinasabi ng hula.
                Tunay na Iglesia ni Cristo  pa ba ang Iglesia nang ito’y matalikod? Sa Halley’s Bible Handbook, sa mga pahina 760-761, ay ganito ang nilalaman:
                “Ang Iglesia ng Imperyo nang ikaapat at ikalimang siglo ay tuwirang naging kakaibang institusyon mula sa pinag-usig na Iglesia noong unang tatlong siglo. Sa hangarin nitong mamahala ay nawala at nalimutan nito ang diwa ni Cristo.
                “Ang pagsamba, na noong una ay lubhang simple, ay nauwi sa madetalye, marangya, kahanga-hanga na mga seremonya na nagtataglay ng lahat ng panlabas na karingalan na taglay noon ng mga templong pagano.
                “Ang mga Ministro ay naging mga Pari. Ang katawagang ‘pari’ ay hindi ginagamit patungkol sa mga ministrong Cristano ng bago ang taong ika-200 [taon ng Panginoon]. Ito ay hinango mula sa sistemang Hudyo at sa halimbawa ng pagano. Ipinagbawal ni Leo (440-61) sa mga pari na mag-asawa, at ang hindi pag-aasawa (celibacy) ng mga pari ay isinabatas ng Iglesia Romana.”
                Isang katotohanan, ayon sa kasaysayan, na ang Iglesia ay namalaging isang institusyon ngunit kakaibang institusyon. Naiwala at nalimutan nito ang diwa ni Cristo.
                Ano ang patotoo ng kasaysayan na malaking pagkakaiba ng Iglesia Katolika sa Iglesiang itinayo ni Cristo.
                Sa The Outline of History ni H.G. Wells, sa pahina 438, ay ganito ang sinasabi sa pagkakasalin mula sa Ingles:
                “Kinakailangan ng muli nating ibalik sa atensiyon ng mga mambabasa ang ukol sa malaking pagkakaiba nitong nabuong Cristianismo sa [Konsilyo] ng Nicea at ang aral ni Jesus sa Nazareth.”
                May mga pari na nakatuklas ng katotohanang ito kaya iniwan nila ang pagkapari. Ano ang pahayag ng isang pari ng Iglesia Katolika na umalis dito? Sa aklat na I Was A Priest, sa pahina 70 , ay ganito ang sinasabi:
                “Hindi natin maisip na ang mga unang Cristiano ay gumagamit nitong maka-relihiyong kagamitan (mga medalyon, rosaryo, larawan o mga relikya) upang mapabuti ang kanilang pamumuhay bilang mga Cristiano. Ang mga ito ay hindi umiiral, sila ay hindi kailangan noon at hindi rin kailangan ngayon. Ang mga ito ay payak na imbensiyon ng pagano at mapamanhiing Roma. Sa katunayan, ang mga unang Cristiano ay humarap sa kamatayan kaysa magbigay-daan sa makademonyong pamahiing ito ng paganismo. Ang pagsamba sa Diyos, sa Bagong Batas, ay sa espiritu at katotohanan at hindi sa mga material na isinusuot gaya ng medalyon, eskapularyo at iba pa”. (Salin mula sa Ingles)
                Ang mga medlayon, rosaryo, larawan at mga relikya ay mula sa pagano na ginagamit ng Iglesia Katolika sa gawaing pangrelihiyon.
                Alinsunod sa kasaysayan, ano ang nangyari nang maganap ang pagbabagong ito? Ayon sa Halley’s Bible Handbook, sa pahina 760, ay ganito ang sinasabi:
                “Ang Iglesia ay Nabago  ng Kaniyang Kalagayan, ito ay pumasok sa Napakalaking Pagtalikod.”…(Salin mula sa Ingles)
                Ang atin namang pagtuunan ng pansin ay kung natupad din ang hula na ang Iglesia ay papasukin ng mga asong-gubat o masasamang pinuno para silain o patayin. Ganito ang patunay ng kasaysayan:
                Sa Halley’s Bible Handbook, sa pahina 761-762, ay ganito ang mababasa:
                “Domitian (A.D. 95)…Sinimulan ni Domitian ang pag-uusig laban sa mga Cristiano. Ito ay sa maikling panahon lamang ngunit lubhang malupit. Libu-libo ang mga ipinapatay sa Roma at Italya…
                Trajano (A.D. 98-117)… Ang Cristianismo ay itinuring na isang illegal na relihiyon, …ang mga Cristiano ay hindi pinaghahanap, ngunit kapag naakusahan ay pinarurusahan.
                “Marcus Aurelius (A.D. 161-180) … kaniyang pinag-ibayo ang pag-uusig sa mga Cristiano. Iyon ay totoong malupit at mabangis, ang pinakamalala mula pa ng kay Nero. Libu-libo ang pinugutan ng ulo o inihagis sa mababangis na hayop…
                “Septimius Severus (A.D. 193-211). Ang pag-uusig [sa panahon niya] ay lubhang malala…
                “Decius (A.D. 249-251). Lubhang desididong lipulin ang Cristianismo.
                “Valeriano (A.D. 253-260). Mas malupit kaysa kay Decius, siya ay naglayon na lubos na wasakin ang Cristianismo. Marami sa mga tagapangunang (Cristiano) ang ipinapatay…
                Diocletian (A.D. 284-305). Ang pinakahuling nang-usig mula sa Imperyo [ng Roma], at ang pinakamalupit sa lahat; …Ang mga Cristiano ay tinutugis hanggang sa mga kuweba at kagubatan; sila ay sinusunog, inihahagis sa mga mababangis na hayop, pinapatay sa pamamagitan ng malupit na pagpapahirap na maaaring gamitin.” (Salin mula sa Ingles)
                Natupad sa pangyayari na sinila ang Iglesia at nagdanas ng matinding pag-uusig ang mga unang Cristiano sa kamay ng mga empeardor ng Roma. Sa kabila nito ay nanatili pa rin ang Iglesia bilang isang organisasyon ngunit ibang-iba na dahil sa pagtalikod sa pananampalataya. Ang mga bulaang properta ang nagpasok ng mga aral na kasinungalingan na siyang ikinatalikod ng mga sumunod dito samantalang ang iba ay pinatay.
                Dumating ang pagkakataon na ang mismong Iglesia Katolika na sa pamamagitan ng mga papa ang nagpapatay sa mga ayaw tumanggap ng kanilang aral:
                “Hindi makatatakas ang Iglesia [Katolika] sa pananagutan sa paggamit ng pagpapahirap o kaya’y sa pagsunog ng kanilang biktima sa tulos. Ang Iglesia [Katolika], sa pamamagitan ng kaniyang pontipise ang may pananagutan sa paggamit ng pagpapahirap. Ang malupit na gawaing ito ay ipinakilala ni Inocencio IV noong taong 1252.
                “Ni hindi makatatakas ang Iglesia [Katolika] sa pananagutan ukol sa pagsunog ng mga erehe sa tulos hanggang sila ay mamatay. Ang pagkukunwari lamang na ibigay ang biktima sa kapangyarihan ng pamahalaan ay hindi makapaglilingid sa katotohanang ang mga papa ay paulit-ulit na nagpilit, sa ilalim ng pagbabantang pagtitiwalag sa mga pinuno kapag di iginawad ang kaparusahang kamatayan sa mga erehe.” (The Truth About the Inquisition, p.47, (Salin mula sa Ingles)
                Samakatuwid and lahat ng detalye ng hula tungkol sa pagtalikod ay nakita nating nagkaroon ng katuparan sa pangyayari. Maging ang pagsila sa Iglesia ay nangyari rin. Lahat ng ito ay natala sa aklat ng kasaysayan. Pati ang mga paring Katoliko ay umaamin sa mga kalupitang ginawa ng Iglesia Katolika sa pamumuno ng kanilang mga papa.
 
                PINATUTUNAYAN NG BIBLIA at maging ng tala ng kasaysayan na ang unang Iglesia ay natalikod sa pananampalataya. Ang pagtalikod ay ang paghiwalay sa mga aral ng Diyos at ang pagsunod sa mga aral na kasinungalingan na siyang aral ng demonyo. Ngayon ay tunghayan natin ang patotoo ng kasaysayan ukol sa pagbabago sa aral bilang katunayang natalikod and Iglesiang itinatag ni Cristo noong unang siglo.
 
ANG PAGBABAGO SA ARAL
 
                Pinatutunayan ng kasaysayan ang pagbabago sa aral ng Iglesiang itinatag ni Cristo noong unang siglo:
                Sa The Story of the Christian Church ni Jesse Lyman Hurlbut, sa pahina 44, ay ganito ang sinasabi:
                “Sa loob ng limampung taon pagkamatay ni Apostol Pablo ay isang tabing ang nakalambong sa iglesia, na dito ay sinikap nating may kabiguan ang makaaninaw; at sa wakas pagkahawi ng tabing na ito, humigit-kumulang 120 A.D. sa pamamagitan ng mga sulat ng tinatawag na mga unang ‘ama ng iglesia’, ay matatagpuan natin ang isang iglesia na sa lahat ng bahagi ay ibang-iba sa iglesia sa kapanahunan nina Apostol Pedro at Pablo.” (Salin mula sa Ingles)
                Ayon sa Biblia, ang mga kaanib sa Iglesia noon ay “nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol..” (cf. Gawa 2:42). Ngunit makalipas ang 50 taon mapapansin na ang Iglesia, sa lahat ng bahagi, ay ibang-iba na kaysa noong panahon ng mga apostol. Ano ang katunayan nito?
                “Binaka ng mga Cristiano ng ikalawa at ikatlong siglo hindi lamang ang paguusig ng daigdig ng mga pagano kundi gayundin ang mga erehiya at masasamang doktrina sa loob ng kanilang sariling kalipunan.” (Ibid. p.64, Salin mula sa Ingles)
                Ang lahat ng uri ng kakaibang opinion, teoriya, at masasamang doktrina ay bumangon at nagkaroon ng kapangyarihan sa Iglesia. Ito’y nangyari pagkamatay ng mga apostol.
 
MASASAMANG DOKTRINA AT PAGBABAGONG
BUMANGON SA UNANG IGLESIA
 
                Anu-ano ang ilan sa mga masasamang doktrina na bumangon at nagkaroon ng kapangyarihan sa unang Iglesia?
                Sa Systematic Theology na sinulat ni Augustus Hopkins Strong ay ganito ang sinasabi:
                “Ang kauna-unahang kilalang panahon na si Jesus ay dinidiyos ay pagkamatay ng mga sumulat ng Bagong Tipan, sa mga liham ni Ignacio, sa pagpapasimula ng ikalawang siglo.” (p.305, Salin mula sa Ingles)
                Si Jesus ay dinidiyos noong ikalawang siglo. Sa panahong iyon ay patay na ang mga apostol. Kailan ganap na kinikilalang Diyos si Cristo?
                Sa Discourses on the Apostles’ Creed na sinulat ni Clement H. Crock:
                “Kaya, halimbawa, noong 325 taon ng Panginoon, sa Konsilyo ng Nicea, nang ipaliwanag ng Iglesia sa atin na isang alituntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.” (p.206, Salin mula sa Ingles)
                Kinilala si Cristo bilang tunay na Diyos noong taong 325 sa Konsilyo ng Nicea. Ang nangulo ay isang emperador pagano na si Constantino. Ang paglitaw ng aral na si Cristo ay diyos ay katuparan ng ipinagpauna ni Apostol Pablo ukol sa tagapangaral na magtuturo ng ibang Jesus na iba kaysa kanilang ipinagaral.
                “Nguni’t ako’y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain.
                “Sapagka’t kung yaong paparito ay mangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinagaral, o kung kayo’y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinaggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.” (II Cor. 11:3-4)
                Nangamba si Apostol Pablo noon na kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas o ng diablo ay madaya rin ang mga Cristiano.
                Tangi, rito, ano pa ang pagbabagong bumangon at nagkaroon ng kapangyarihan sa Iglesia?
                Sa aklat na pinamagatang A Concise History of the Catholic Church ni Thomas Bokenkotter, sa mga pahina 55-56 ay gantio ang pahayag:
                “Mismong ang mga seremonya sa pagsamba ay lubhang naimpluwensiyahan ng “Constatinia revolution’, Angaw-angaw na mga pagano ang pagdaka’y pumasok sa Iglesia, at di maiiwasang ang ilan sa kanilang kaugalian ay pumasok sa mga seremonya sa pagsamba: ang paggamit ng halik bilang tanda ng paggalang sa mga banal na bagay, ang gawang pagyukod, debosyon sa mga relikya, at ang paggamit ng kandila, insenso, at iba pang bahagi ng seremonya na hango mula sa ‘imperial court’.” (Salin mula sa Ingles)
                Ang lahat ng binanggit sa itaas ay nagpapatunay na hindi lamang bumagon sa Iglesia ang mga ganiton gawain kundi nagkaroon pa ng kapangyarihan. Sa pagsamba at sa gawain ay ibang-iba na ang iglesiang itinatatag ni Cristo sa Iglesia pagkalipas ng maraming taon pagkamatay ng mga apostol.
                Ano ang naging kalagayan ng Iglesia noong ikaapat at ikalimang siglo?
                Sa Halley’s Bible Handbook sa pahina 760, ay ganito ang sinasabi:
                Ang Iglesia ng Imperyo nang ikaapat at ikalimang siglo ay naging isang ganap na kakaibang institusyon mula sa pinaguusig na iglesia nang unang tatlong siglo. Sa hangarin nito na maghari ay naiwala nito at nalimutan ang espiritu ni Cristo.” (salin mula sa Ingles)
                Noong ikaapat at ikalimang siglo ay naging kakaibang institusyon ang Iglesia. Sa layuning maghari ay nalimutan nito ang espiritu ni Cristo.
                Iminamatuwid ng mga depensor ng Katoliko na imposible raw na lahat ay tumalikod. Kung sinasabi man daw sa hula na “marami” ang tatalikod ngunit hindi sinabing “lahat.” Mayroon daw nanindigan at yaon daw ang nagpatuloy at nagtaguyod sa Iglesia.
                Sa Commentary on the Official Catechism of the Philippines, sa pahina 134, ay ganito ang sinasabi:
                Isang kapansin-pansing katotohanan na ang lahat ng mga diyosesis (o teritoryo ng isang Obispo) na itinatag ng mga Apostol ay nalipol, matangi lamang sa Diyosesis ng Roma. (salin mula sa Ingles)
                Ayon na rin mismo sa paring Katoliko, isang kapansin-pansing katotohanan na ang lahat ng mga diyosesis ay nangawala maliban lamang sa Diyosesis ng Roma.
                Ano naman ang nangyari sa Iglesia noon na nasa Roma?
                Sa The World’s Great Events, tomo 2, pahina 163, ay ganito ang salin mula sa Ingles:
                Noong una, ang kasaysayan ng Iglesia Romana ay katulad ng kasaysayan ng katotohanang Cristiano. Datapuwat nakalulungkot na dumating ang isang panahon nang magsimulang dumaloy ang mga batis ng lason mula doon sa dati ay isang dalisay na bukal.
                Ang Iglesia sa Roma ay katulad daw ng kasaysayan ng katotohanan ng Cristianismo, ngunit dumating ang panahon na ito’y dinaluyan ng mga batis ng lason.
                Anu-ano ang lasong dumaloy o pumasok sa Iglesia na nasa Roma?
                Sa The Story of the Christian Church, sa pahina 62:
                Ang mga pagsamba ay naragdagan ng karingalan, ngunit hindi gaanong espirituwal at taos sa puso gaya nang mga naunang panahon. Ang mga anyo at seremonya ng paganismo ay unti-unting gumapang sa pagsamba. Ang ilan sa mga matatandang kapistahang pagano ay naging mga kapistahan ng iglesia na may pagbabago ng pangalan at ng pagsamba. Humigit-kumulang noong taong 405 pagkamatay ng ating Panginoong Jesucristo, ang mga imahen ng mga santo at mga martir ay nagsimulang lumitaw sa mga simbahan, minahal, at sinamba. Ang pagsamba kay Birhen Maria ay ipinalit sa pagsamba kina Venus at Diana; ang Banal na Hapunan ay naging isang pag-aalay sa halip na pag-aalaala; at ang matanda (sa iglesia) ay naging isang pari mula sa pagiging mangangaral. (salin mula sa Ingles)
                Ang pagsamba ay naragdagan ng karingalan na ang anyo at seremonya ay katulad ng sa pagano. Ang matatandang kapistahan ng mga pagano ay naging kapistahan na rin ng Iglesia, binago lamang ang pangalan at pagsamba. Ang mga imahen ng mga diumano’y mga santo at mga martir ay lumitaw sa loob ng simbahan. Ang pagsamba kay Maria ay ipinalit sa pagsamba kina Venus at Diana. Ang Banal na Hapunan ay naging pag-aalay sa halip na pag-aalaala. Ang mga mangangaral ay naging pari. Ang mga ito ay nagpapatunay na naganap nga ang pagtalikod sa pananampalataya.
 
ANG NANGYARI SA IBA’T IBANG DAKO
 
                Ayon na rin sa mga tagapagturong Katoliko, ano raw ang nangyari sa Iglesia sa iba’t ibang dako na kinatatagan nito?
                Sa Commentary on the Official Catechism of the Philippines, sa pahina 134, ay ganito ang pagkakasalin mula sa Ingles:
                Isang kapansin-pansing katotohanan na ang lahat ng mga diyosesis (o teritoryo ng isang obsipo) na itinatag ng mga Apostol ay nalipol, matangi lamang sa Diyosesis ng Roma. Ang ilan sa mga diyosesis na ito, pagkaraan, ay muling itinatag ng Roma, subalit sa bawat kaso (ng mga nalipol na diyosesis)…ang orihinal na humalili sa mga apostol ay nangawala dahil sa pag-uusig, pagkakabaha-bahagi, hidwang pananampalataya, o iba pang kadahilanan.”
                Ang itinatag daw ng mga apostol na mga diyosesis ay nawala matangi sa nasa Roma. Ang mga orihinal daw na humalili sa mga apostol ay nawala dahil sa pag-uusig, pagkakabaha-bahagi, hidwang pananampalataya o iba pang kadahilanan.
                Ano pa ang patotoo ng kasaysayan na natalikod ang unang Iglesia ni Cristo?
                Sa Halley’s Bible Handbook, sa mga pahina 760-761, ay ganito ang pagkakasalin mula sa Ingles:
                Nalupig ng Iglesia ang Imperyong Romano. Ngunit sa katotohanan nalupig ng Imperyong Romano ang Iglesia, sa paraang ang Iglesia ay ginawang larawan ng Imperyong Romano.
                “Ang Iglesia ay nabago ng kaniyang kalagayan, pumasok sa kaniya ang matindi at lubusang pagtalikod, naging isang organisayong pampulitika sa diwa at sistema ng Imperyo ng Roma, at bumulusok ito sa loob ng isang libong taon ng mga kasuklamsuklam na gawa ng mga Papa.
                “Ang Iglesia ng Imperyo nang ikaapat at ikalimang siglo ay naging ganap na kakaibang institusyon mula sa pinagusig na iglesia nang unang tatlong siglo. Sa hangarin nito na maghari ay naiwala nito at nalimutan ang espiritu ni Cristo.
                “Ang pagsamba, na noong una ay lubhang simple, ay nauwi sa masalimuot, makahari, maringal na mga seremonya na nagtataglay ng lahat ng panlabas na karangyaan na taglay noon ng mga templong pagano.
                “Ang mga ministro ay naging mga pari. Ang katawagang ‘pari’ ay hindi ipinatungkol sa mga Cristianong ministro bago ang taong 200 pagkamatay ng ating Panginoong Jesucristo. Ito ay hiniram mula sa pamamaraang Hudyo, at mula sa halimbawa ng mga paring pagano. Pinagbawalan ni Leo (440-61) ang mga pari na mag-asawa, at ang di-pag-aasawa ng mga pari ay naging isang batas ng Iglesia Romana.”
                Ang Iglesia ay pumasok sa matindi at lubusang pagtalikod. Tunay na lubusang natalikod ang Iglesiang itinayo ni Cristo. Pinatunayan ng kasaysayan ang katuparan ng mga hulang nakasulat sa Biblia tungkol sa pagtalikod ng mga alagad ni Cristo. Hiniwalayan ng mga tumalikod ang mga aral ni Cristo at ng Kaniyang mga apostol, kaya nawala sila sa pagiging tunay na Iglesia. Hindi nila ito maikakaila sapagkat pinatutunayan ito ng Biblia at ng kasaysayan.
 
                NAKITA NATING nakatala sa kasaysayan ang katuparan ng mga hula ni Cristo at ng mga apostol tungkol sa pagtalikod sa pananampalataya ng mga unang Cristiano. Ang tanong ngayon ay: “Kailan? May maituturo bang tiyak na petsa kung kailan natalikod ang Iglesia?”
                Ayon sa mga apostol kailan nagsimula ang pagtalikod sa pagka-Cristiano?
                Sa II Tesalonica 2:5-7 ay ganito ang sinasabi ni apostol Pablo:
                “Hindi baga ninyo naaalaala nang ako’y kasama ninyo pa, ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito?
                “At ngayo’y nalalaman ninyo ang nakapipigil, upang siya’y mahayag sa kaniyang kapanahunan.
                “Sapagka’t ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na: lamang ay may pumipigil ngayon, hanggang sa alisin ito.
                Alinsunod kay Apostol Pablo noon pa mang kasama niya ang mga Cristiano, ang hiwaga ng kasamaan ay kumikilos na, lamang ay may nakapipigil pa noon. Siya’y mahahayag sa kaniyang kapanahunan.
                Alin ang tinutukoy na hiwaga ng kasamaan na gumagawa na sa panahon pa ng mga apostol?
                Sa II Tesalonica 2:3 ay ganito ang mababasa:
                “Huwag kayong padadaya kanino man sa anomang paraan: sapagka’t ito’y hindi darating, maliban nang dumating muna ang pagtataliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan.”
                Itinagubilin ni Apostol Pablo sa mga unang Cristiano, na huwag padaya kaninuman sa anumang paraan. Ipinagpauna niya na may darating na pagtataliwakas kapag nahayag na ang taong makasalanan – ang anak ng kapahamakan. Ano ang katumbas ng sinasabing pagtataliwakas?
                Sa II Tesalonica 2:3 ay ganito ang mababasa:
                “Huag cayong padaya canino man sa ano mang paraan sapagcat hindi darating, cungdi dumating muna ang pagtalicod sa pagcacristiano, at mahayag ang tauong macasalanan, ang anac ng capahamacan.” (1911 Edition)
                Ang pagtataliwakas ay siya ring pagtalikod sa pagka-Cristiano. Kaya magkakaroon ng pagtalikod sa pagka-Cristiano ayon kay Apostol Pablo. Ang nagsasagawa nito ay ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan.
                Bakit hindi nahayag kaagad ang pagtalikod?
                Sa II Tesalonica 2:7-8 ay ganito naman ang pahayag:
                “Sapagkat ang hiwaga ng kabuktutan ay gumagawa na, at hinihintay lamang na maalis ang pumipigil sa kanya,
                “At kung magkagayon ay mahahayag ang tampalasan na papatayin ng Panginoon Jesus sa hininga ng kanyang bibig at lilipulin sa nining ng kaniyang pagparito.” (Abriol)
                Sa panahon pa ni Apostol Pablo ay nararamdaman na niya ang kilusan sa pagtalikod sa pagka-Cristiano. Hinihintay lamang na maalis ang nakapipigil at saka lamang mahahayag ang tampalasan ang taong makasalanan.
                Ang nakapipigil sa pagtalikod sa pagka-Cristiano ay ang mga apostol mismo:
                “Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan:
                “At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinagaralan ng kaharian, ay hindi ninyo muling makikita pa ang aking mukha.” (Gawa 20:29,25)
                Ibinabala ni Apostol Pablo na pagalis niya ay magsisipasok ang mga ganid na lobo na hindi magpapatawad sa kawan. Ang pag-alis na tinutukoy ni Apostol Pablo ay ang kaniyang kamatayan:
                “Ako’y iaalay na: dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito.” (II Tim. 4:6 Magandang Balita Biblia)
                Kung gayon, pagkamatay ng mga apostol ay mahahayag ang mga taong makasalanan na siyang magtatalikod sa pananampalataya sa mga unang Cristiano.
                Kailan nga ba nagsimula ang binhi ng mga maling aral na ikatatalikod sa pananampalataya sa mga unang Iglesia ayon sa patotoo ng kasaysayan?
                Sa The Story of the Christian Church, sinulat ni Jesse Lyman Hurlbut, sa pahina 44, ay ganito ang salin sa Pilipino:
                “Sa katapusan ng unang siglo ang mga doktrinang ipinahayag ni Apostol Pablo sa kaniyang sulat sa taga Roma ay tinanggap sa kabuuan ng Iglesia bilang panuntunan ng pananampalataya. Ang mga turo ni San Pedro at San Jun sa kanilang sulat ay nagpakita ng ganap na pagsang-ayon sa mga kaisipan ni San Pablo. Ang mga opinyong heretiko ay bumangon at tumubo ang mga sekta, ang mga simula nito ay napansin at ibinabala ng mga apostol, ngunit ang kaganapan ng pag-unlad ay nasa bandang huli.”
                Ang mga aral na itinuro ng mga apostol ay nagkakaisa at siyang panuntunan ng pananampalataya ng unang Iglesia. Ngunit nang lumitaw ang mga opinyong heretiko ay bumangon at tumubo ang mga sekta bilang katuparan ng hula ng mga apostol.
                Ano ang naranasan ng Iglesia sa pagdaraan ng mga siglo? Sa aklat ding ito ay ganito ang sinasabi sa pahina 64:
                “Nang ang mga kaanib sa Iglesia ay mga Hudyo pa lang, at kahit noong kinalaunan nang ito ay pinagangasiwaan na ng mga praktikal na Hudyo, babahagya lamang ang paghilig nito tungo sa mga kaisipang espekulatibo at mga kaisipang mahirap unawaain. Ngunit ng ang nakararami na sa bilang ng mga kaanib sa Iglesia ay mga Griyego, at lalo na ang mga Griyego sa Asia Minor na mga mistiko at mga sira ang ulo, lahat na ng uri ng kakaibang opinion at teoriya ay bumangon at nagkaroon ng kapangyarihan sa Iglesia. Ang mga Cristiano noong ikalawa at ikatlong siglo ay nakipagbaka hindi laban sa pag-uusig ng mga pagano kundi laban din sa mga erehiya at masasamang doktrina sa loob ng sarili nilang kapulungan.”
                Noong ang Iglesia ay binubuo lamang ng mga Hudyo, at pinangangasiwaan nina Apostol Pedro at Pablo ay kontrolado pa ito. Ngunit ng matamo ng Iglesia aang pinakamalaking bilang ng mga kaanib na Griego, ang lahat ng uri ng kakaibang opinion at teoriya ay bumangon at nagkaroon ng kapangyarihan sa Iglesia.
                Kaya noong ikalawa at ikatlong siglo, binaka ng mga Cristiano hindi lamang ang pag-uusig ng mga pagano, kundi gayundin ang mga erehiya at masasamang doktrina sa loob ng sariling kalipunan.
 
ANG MGA MALING ARAL NA IPINAPASOK SA
IGLESIA AT KUNG KAILAN ITO NAGANAP
 
                Narito ang ilan sa mga maling aral na lumitaw sa Iglesia pagkamatay ng mga apostol at kung kailan nangyari:

1. Noong taong 110 ginamit ni Ignacio ng Atiokya ang pangalang “Katolika” at ikinapit niya sa katawagang Iglesia. (The Question Box, p. 132)
2. Sa pasimula ng ikalawang siglo ay kinilalang Diyos si Cristo. (Systematic Theology, p. 305)
3. Noong ikalawang siglo ay sinimulang igalang ang mga relikya ng mga “santo.” (The Question Box, p. 373)
4. Noong taong 300 ay ipinagbawal sa mga pari ang pag-aasawa. (Ibid. p.313)
5. Sapilitang ipinatanggap ang doktrina ukol sa Trinidad noong ika-6 na siglo. (The Church of our Fathers, pp. 62-63)
Ang mga nangyaring pagbabago sa unang Iglesia, particular na sa aral na sinunod nito at kung kailan ito naganap, ay mga petsa ng pagtalikod.
 
                SINO ANG KINATUPARAN NG IBINABALA ng hula na magtatalikod sa unang Iglesia. Alamin natin mula sa mga hula na nakasulat sa Banal na Kasulatan kung ano ang mga palatandaang ikakikilala sa magsasagawa ng pagtalikod at saka natin hanapin kung kanino matatagpuan ang mga palatandaang iyon upang matiyak natin kung sino ang kinatuparan. Sa pagsusuri natin ay kukuha tayo ng maraming palatandaang pagkakakilanlan upang hindi masabi ninuman na ito’y nagkataon lamang.
                Sino ang ibinabala ng mga apostol na magliligaw o magtatalikod sa Iglesia? Sa Gawa 20:30 ay ganito ang mababasa:
                “Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y maililigaw nila.” (Magandang Balita Biblia)
                Ang isa sa mga pagkakakilanlan sa magtatalikod sa Iglesia ay ang mga aral o turo nito. Kasinungalingan ang sasalitain nila upang matalikod ang mga alagad ng ating Panginoong Jesucristo.
                Sinu-sino ang mga taong ibinabala na magsasalita ng mga kasinungalingan at alin ang mga kasinungalingan na sasalitain nila? Sa. II Pedro 2:1 ay ganito ang sinasabi:
                “Noong una, lumitaw sa Israel ang mga bulaang propeta. Sa inyo naman, may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitan nila ng katusuhan ang pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoong nagligtas sa kanila. Kaya’t biglang darating sa kanila ang kapahamakan.” (Ibid.)
                Ayon kay Apostol Pedro, kung paanong sa Israel ay may lumitaw na mga bulaang propeta, sa Iglesia ay may lilitaw din na mga bulaang guro. Ang ituturo nila ay mga aral na makasisira ng pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoon.
                Ano naman ang itinawag ng ating Panginoopng Jesus sa mga taong magliligaw sa Kaniyang alagad? Sa Mateo 24:11 ay ganito ang pahayag:
“At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.”
                Ang tawag ng ating Panginoong Jesucristo sa mga magliligaw sa Kaniyang mga alagad ay mga bulaang propeta.
                Kaya, nagkakaisa si Cristo at Kaniyang mga apostol sa pagbababala ukol sa paglitaw ng mga bulaang propeta na magtuturo ng mga aral na kasinungalingan.
 
ANG IKAKIKILALA SA MGA BULAANG PROPETA
 
                Paano makikilala ang mga bulaang propeta na magliligaw o magtatalikod sa unang Iglesia? Sa Mateo 7:15 ay ganito ang pahayag ng ating Panginoong Jesucristo:
                “Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na magsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay lobong maninila.”
                Ang mga bulaang propeta ay nakadamit tupa ngunit sa loob ay lobong maninila. Sa ikalilinaw, alamin natin kung sino ang tupa na may damit. Ganito ang nakasulat sa Juan 1:29:
                “Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan.”
                Ang Cordero o tupa ng Diyos ay si Jesus. Ang Kaniyang pananamit ang tutularan ng mga bulaang propeta. Sino ang tumulad sa damit ng ating Panginoong Jesucristo?
                Sa isang aklat Katoliko, na pinamagatang Siya ang Inyong Pakinggan: Ang Aral Na Katoliko, sinulat ni Pari Enrique Demond, sa pahina 195 ay ganito ang mababasa:
                “ANG PANANAMIT NG PARENG NAGMIMISA.
                “Ang pareng gayak sa pagmimisa ay nakakatulad ni Jesukristo noong umakyat sa bundok ng kalvario…”
                Ang damit ng paring nagmimisa ay nakakatulad ng pananamit ng ating Panginoong Jesucristo. Ito’y hindi nagkataon lamang, sapagkat sa isang aklat Katoliko na pinamagatang Sagradong Katoliko Romano Kami, sa mga pahina 55-56 ay pinatutunayan na ito’y uniporme bilang katunayan na sila’y mga apostol o mga alagad daw ni Cristo, kaya hindi raw nila inaalis ang damit na isinuot ni Cristo noong kapanahunan Niya.
                Tangi sa pananamit, sa ano pa makikilala ang mga bulaang propeta? Sa II Tesalonica 2:3-4 ay ganito ang mababasa:
“Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka’t itoy hindi darating, maliban nang dumating muna ang pagtataliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan.”
                “Na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinawag ng Dios o sinasamba; ano pa’t siya’y nauupo sa templo ng Dios, na siya’y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios.”
                Ang magdaraya ay gagawa ng pagtataliwakas o pagtalikod. Itatanyag niya ang kaniyang sarili na tulad sa Diyos.
                Aling aral ang sinalangsang ng taong makasalanan sa layuning makapantay sa Diyos? Sa Mateo 23:9 ay ganito ang pahayag ng ating Panginoong Jesus:
                “At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka’t iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga’y siya na nasa langit.”
                Ang pagiging Ama ng Diyos na nasa langit ay bawal na itawag sa kaninumang tao sa lupa. Iisa lamang ang Ama na nasa langit, at hindi marapat itawag sa kaninumang tao sa lupa ang gayung pagka Ama.
                Anong uring Ama ba ang Diyos ayon sa mga apostol? Sa Hebreo 12:9 ay ganito ang mababasa:
                “Tangi sa riyan – pinarurusahan tayo ng ating mga ama sa laman, at dahil dito’y iginagalang natin sila. Hindi ba lalong nararapat na tayo’y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu upang mabuhay tayo?”( MB)
                May dalawang uri ang ama. Ang isa ay ama sa laman. Ang isa naman ay Ama sa espiritu. Ang pagiging Ama ng Diyos sa espiritu ay bawal itawag sa kaninumang tao. Ang Diyos lamang ang ating Ama sa espiritu.
                Sinu-sino ang mga taong napatatawag na “ama sa espiritu”? Sa aklat Katoliko na pinamagatang Ang Pananampalataya ng Ating Mga Ninuno, na sinulat ni James Cardinal Gibbons at isinalin sa wikang Pilipino ni Rufino Alejandro, sa pahina 143 ay ganito ang mababasa:
                “Ang mga papa ay di lamang matatapat na Ama sa espiritu, kundi matitigas at matatapang na Tagapamahalang sibil.”
                Ipinagbawal ni Cristo sa kaninumang tao na patawag na ama katulad ng pagiging Ama ng Diyos na nasa langit.
 
ANG IBINABALA NG MGA APOSTOL NA MAGIGING
KASANGKAPAN UPANG ITALIKOD ANG UNANG IGLESIA
 
                Sino pa ang ibinabala ng mga apostol na magiging kasangkapan upang italikod ang unang Iglesia? Sa Gawa 20:29 ay ganito ang pahayag:
                ”Alam kong pagalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan.” (MB)  
                Ang paunang salita o babala ni Apostol Pablo sa unang iglesia, na sila’y papasukin ng mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain o papatayin o ang Iglesia.
Sinu-sino ang mga tinutukoy na mababangis na asong-gubat? Sa Ezequiel 22:27 ay ganito ang mababasa:
                “Ang mga pinuno nila’y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila’y walang awang pumapatay upang yumaman.”
                Sa panahon ng unang Iglesia ay nagkaroon ng mga pinuno ng gobyerno na parang hayok na asong-gubat na lumalapa ng kanilang biktima. Sila’y walang awang pumapatay para yumaman.
                Sinu-sino pa ang tinatawag din na mababangis na asong-gubat? Sa Mateo 7:15 ay ganito ang pahayag ni Cristo:
                “Mag-iingat kayo sa mga bulaang propeta: nagsisilapit sila sa inyo na animo’y tupa, ngunit ang totoo’y mababangis na asong-gubat.” (Ibid)
                Sila ang sisila o papatay sa mga alagad ni Cristo. Gaya nga ng binabanggit sa Mateo 24:9:
“Kung magkagayo’y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo’y papatayin: at kayo’y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.”
                Ayon sa ating Panginoong Jesucristo, ang Kaniyang mga alagad ay pipighatiin at papatayin. Sila’y kapopootan sa lahat ng bansa dahil sa Kaniyang pangalan. Matinding pag-uusig ang masasagupa ng unang Iglesia ni Cristo. Kaya kung sino ang makita natin na nagpapatay sa mga alagad ni Cristo, iyon ang nagtalikod sa unang Iglesia.
 
ANG NAGPAPATAY SA UNANG IGLESIA
 
                Sinu-sino ang pinatutunayan ng kasaysayan na nagpapatay sa mga unang kaanib sa Iglesia ni Cristo? Sa Halley’s Bible Handbook, sa pahina 761-762, ay ganito ang mababasa:
                “Domitian (A.D. 95)…Sinimulan ni Domitian ang pag-uusig laban sa mga Cristiano. Ito ay sa maikling panahon lamang ngunit lubhang malupit. Libu-libo ang mga ipinapatay sa Roma at Italya…
                Trajano (A.D. 98-117)… Ang Cristianismo ay itinuring na isang illegal na relihiyon, …ang mga Cristiano ay hindi pinaghahanap, ngunit kapag naakusahan ay pinarurusahan.
                “Marcus Aurelius (A.D. 161-180) … kaniyang pinag-ibayo ang pag-uusig sa mga Cristiano. Iyon ay totoong malupit at mabangis, ang pinakamalala mula pa ng kay Nero. Libu-libo ang pinugutan ng ulo o inihagis sa mababangis na hayop…
                “Septimius Severus (A.D. 193-211). Ang pag-uusig [sa panahon niya] ay lubhang malala…
                “Decius (A.D. 249-251). Lubhang desididong lipulin ang Cristianismo.
                “Valeriano (A.D. 253-260). Mas malupit kaysa kay Decius, siya ay naglayon na lubos na wasakin ang Cristianismo. Marami sa mga tagapangunang (Cristiano) ang ipinapatay…
                Diocletian (A.D. 284-305). Ang pinakahuling nang-usig mula sa Imperyo [ng Roma], at ang pinakamalupit sa lahat; …Ang mga Cristiano ay tinutugis hanggang sa mga kuweba at kagubatan; sila ay sinusunog, inihahagis sa mga mababangis na hayop, pinapatay sa pamamagitan ng malupit na pagpapahirap na maaaring gamitin.” (Salin mula sa Ingles)
                Tangi sa mga emperador ng Imperyo Romano, sino pa ang nangusig, nagpahirap, at nagpapatay sa mga unang Cristiano? Sa pahina 770 naman ay ganito ang sinasabi:
                “Leo I (A.D. 440-461). Ipinahayag ang kaniyang sarili na Panginoon ng Boong Iglesia; itinaguyod ang Sariling Pangkalahatang Kapapahan; sinabi na ang Pagtutol sa kaniyang kapangyarihan ay Tiyak na Papunta sa Impiyerno; itinaguyod ang Parusang Kamatayan ukol sa erehiya.” (Salin mula sa Ingles)
                Ipinakilala ni Papa Leo I ang sarili na panginoon ng buong Iglesia. Itinaguyod niya ang pansariling kapapahan. Sinabi na ang pagtutol sa kaniyang kapangyarihan ay tiyak na papunta sa inpiyerno. Pinasiyahan na ang parusa sa erehiya ay kamatayan.
Ano ang ginagamit na kasangkapan ng mga papa ng Iglesia Katolika upang maipapatay ang mga erehe o ang mga tumututol sa kanilang doktrina? Sa pahina 776-777 naman ay ganito ang pahayag:
                “Inocencio III (1198-1216). Ang Pinakamakapangyarihan sa Lahat ng mga Papa…Iniutos ang Paglipol sa lahat ng mga Erehe. Itinatag ang Ingkisisyon.
                “Ang Ingkisisyon, tinatawag na ‘Banal na Tungkulin’ [Holy Office], ay itinatag ni Papa Inocencio III at pinagbuti sa ilalim ng sumunod na Pangalawang Papa, Gregorio IX. Yaon ay Hukuman ng Iglesia upang matiyak at maparusahan ang mga Erehe. Sa pamamagitan nito ang bawat isa ay inaatasan na mag-ulat laban sa mga Erehe. Ang sinumang mapaghinalaan ay Pahihirapan, na hindi man lamang alam ang pangalan ng sa kaniya’y nagsumbong. Ang mga paglilitis ay lihim.
                “Ipinapahayag ng Ingkisitor ang hatol, at ang biktima ay ibinibigay sa Kapangyarihang Sibil upang ibilanggo habang-buhay o kaya ay Sunugin.
                “Sa bandang huli ang Ingkisisyon ay ang pinakaimportanteng kaparaanan sa pagpupunyagi ng kapapahan upang wasakin ang Repormasyon. Sinasabi na sa loob ng tatlumpung taon (30) sa pagitan ng 1540 at 1570 hindi kukulangin sa 900,000 Protestante ang ipinapatay…
                “Ang Ingkisisyon ang Pinakakalait-lait at Pinakademonyong bagay sa Kasaysayan ng Sanglibutan. Ito ay binalangkas ng mga Papa, at ginamit sa loob ng 500 taon, upang Mapanatili ang kanilang kapangyarihan.” (Salin mula sa Ingles)
                Sa detalyadong pagkahanay ng kasaysayan ukol sa kalupitang ginawa ng Kapapahan ng Iglesia Katolika ay hindi nararapat nang ulit-ulitin ang pagbanggit muli. Ang paggamit ng Ingkisisyon o tinatawag na Banal na Tungkulin o Holy Office ay sukdulang kasamaan na walang katulad.
                Maitatawa ba ang ginawang ito ng mga papa ng Iglesia Katolika na pagpapatay sa mga ayaw sumunod sa kanilang doktrina?
                Sa isang aklat ng Iglesia Katolika na pinamagatang The Truth About the Inquisition, sinulat ni John A. O’Brien. Ph. D.. Nhil Obstat ni Thomas E. Dillon, Imprimatur ni John F. Noll sa mga pahina 47-48 ay ganito ang sinasabi:
                ANG PANANAGUTAN NG IGLESIA
                “Ang Iglesia [Katolika] ay hindi makakaiwas sa pananagutan ukol sa paggamit ng pagpapahirap ni sa pagsunog ng mga biktima sa tulos. Ang Iglesia sa katauhan ng kaniyang mga pontipise ang nananagot sa paggamit ng pagpapahirap; ang malupit na gawaing ito ay pinasimulan ni Inocencio IV noong 1252….Pinagsisikapan ng pontipise na ipagtanggol ang paggamit ng pagpapahirap sa pamamagitan ng pagtuturing sa mga erehe bilang magnanakaw at mamamatay-tao, paghahalintulad lamang ang kaniyang tanging batayan. Ang batas na ito ni Inocencio IV ay muling pinairal at pinagtibay ni Alejandro IV noong ika-30 ng Nobyembre, 1259, at ni Clemente IV noon ika-3 ng Nobyembre, 1265.
                “Ni hindi makaiiwas ang Iglesia {Katolika] sa pananagutan ukol sa pagpapasunog ng mga erehe sa tulos hanggang sa mamatay. Ang pagkukunwari lamang na ibigay ang biktima sa kapangyarihang secular ay hindi makapaglilingid sa katotothanang ang mga papa ay paulit-ulit na nagpilit sa ilalim ng pagbabantang pagtitiwalag at pagbabawal sa mga pinuno, na igawad ang kaparusahang kamatayan sa mga erehe.”
                ‘INGKISISYON-PANGUNAHING MAY KINALAMAN ANG IGLESIA [KATOLIKA]
                “Sa kabila ng maiinam na katibayang ito, sinisikap ng Konde de Maistre na pagtakpan ang Iglesia at ang mga papa maging ang mga pagsasabuwatan sa pagpatay sa mga erehe, sa pagsasabing: Ang lahat ng mga kakilakilabot at kalupitan tungklol sa hukumang ito, lalo na ang parusang kamatayan, ay dahil sa Pamahalaan.”
                Sa pamamagitan ng patotoo ng kasaysayan at sariling aklat ng Igelsia Katolika, ay hindi makaiiwas ang kapapahan na naitalikod nga ang unang Iglesia. Magkatulong ang gobyerno at ang kapapahan na pinasunod ang mga tao sa kanilang kagustuhan. Kamatayan ang parusa sa ayaw sumunod sa kanilang doktrina.
                Lahat ng mga palatandaan ng pagtalikod ay sa Iglesia Katolika nasusumpungan. Kaya dapat kahabagan ang mga taong Katoliko na paniwalang-paniwala na ang Iglesia Katolika ang tunay na relihiyong kay Cristo, gayong ito ang tumalikod sa tunay na Iglesia.
 
                AYON SA MGA paring Katoliko ang Iglesiang itinayo ni Cristo noong unang siglo ay nagpatuloy hanggang sa ating panahon. May mga talata  ng Biblia na kanilang pinagbabatayan na nagpapatunay daw na kailanman ay hindi natalikod ang Iglesiang itinayo ni Cristo. Suriin natin ngayon ang mga batayan nilang yaon.
                Sa isang aklat Katoliko na pinamagatang: Siya ang Inyong Pakinggan: “Aral Na Katoliko,”sinulat ng pari na si Enrique Demond, sa pahina 79 ay ganito ang mababasa:
                Ipinagkatiwala ni Jesukristo ang pamamahala sa Kanyang Iglesia sa mga apostol at sa kanilang mga kahalili. Inilagay Niya na parang pinakapuno ng boong Iglesia si San Pedro, ang nauna, noong sabihin niya sa kanya: ‘Sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro (Pedro ay ang wikang arameong Kefas na ang kahulugan ay bato) at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia at ang pintuan samakatuwid ang kapangyarihan ng infierno ay hindi mananaig sa kanya.’  (Mateo XVI. 18.)”
                Kaya raw hindi maaaring matalikod ang Iglesiang itinayo ni Cristo ay dahil sinabi ni Cristo na ito’y hindi pananaigan ng kapangyarihan ng impiyerno.
                Alin pang talata ng Biblia ang ginagamit na batayan ng Iglesia Katolika sa pagsasabing hindi natalikod sa pananampalataya ang Iglesiang itinayo ni Cristo?
                Sa aklat Katoliko na pinamagatang: Ang Pananampalataya Ng Ating Mga Ninuno, sinulat ni James Cardinal Gibbons, Arsobispo ng Baltimore, at tinagalog ni Rufino Alejandro, Ph.D., ay ganito ang mababasa:
                Sa mga huling pangungusap ng ating Manunubos na napatala sa Ebanghelio ni San Mateo ay boong liwanag ding inuulit ang hulang ito, at ang dahil kung bakit di maaaring maiguho ang Iglesia ay malinaw na ipinahahayag: ‘Humayo kayo, aralan ang lahat ng bansa, … at tingni, ako’y sumasa-inyo sa lahat ng araw, hanggang sa katapusan ng mundo. (Sa Mat. Xxvii. 19,20).” Ang mga pangungusap na ito ay naglalaman ng tatlong mahahalagang pahayag: Una – Ang pagkalagak ni Kristo sa Kaniyang Iglesia – ‘Tingni, Ako’y sumasa-inyo.’ Ikalawa – Ang paglalagak ni Kristo sa lahat ng saglit, na walang patlang ni kahit isang araw – ‘Ako’y sumasainyo sa lahat ng araw’.  Ikatlo – Ang Kanyang pamamalagi hanggang sa katapusan ng mundo, at dahil dito’y ang habang-panahong pamamalagi ng Iglesia – “Hanggang sa katapusan ng mundo’.” (pp. 60-61)
                Ayon daw sa Panginoong Jesucrsito sa Mateo 28:19-20 ay hindi matatalikod ang Iglesia. Dahil nangako Siya na: “Ako’y sumasainyo hanggang sa katapusan ng mundo.” Ang mga talatang pinagbabatayan ng Iglesia Katolika sa pagtuturo nito na hindi natalikod ang Iglesiang itinayo ni Cristo ay ating suriin.
 
ANG HINDI MANANAIG SA IGLESIA
 
                Alin ang tinutukoy ni Cristo na hindi mananaig sa Iglesia? Sa Mateo 16:18 ay ganito ang sinasabi:
                “At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, ay hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (MB)
                Ang binabanggit sa Mateo 16:18 na hindi mananaig sa Iglesia ay hindi ang impiyerno, gaya ng sinasabi sa aklat ng Iglesia Katolika na ating sinipi sa unahan, kundi ang kamatayan.
                Ano ang ibig sabihin na ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi makapananaig sa Iglesiang itinayo ni Cristo?
                Sa Juan 11:25 ay ganito ang pahayag ng ating Panginoong Jesus:
                “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya.”
                Si Jesus ang pagkabuhay na muli at ang kabuhayan. Kaya mamatay man ang kaanib sa Kaniyang Iglesia ay muling mabubuhay. Ito ang ipinangako ni Jesus sa Iglesia na itinayo Niya. Kailan muling bubuhayin ang mga namatay na Iglesia ni Cristo? Sa I Tesalonica 4:16-17 ay ganito ang pahayag:
                “Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkangel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mabubuhay na maguli;
                “Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.”
                Ang muling pagkabuhay ng mga namatay kay Cristo ay sa ikalawang pagparito ni Cristo o sa araw ng Paghuhukom. Unang bubuhayin ang mga namatay na Iglesia ni Cristo upang salubungin ang Panginoon. Samantalang ang mga daratnang buhay ay hindi na mamamatay, kundi kasama silang sasalubong sa Panginoon. Kaya, nagkakamali ang mga depensor Katoliko sa pagsasabing sa Mateo 16:18 ay sinasabing hindi matatalikod ang Iglesia.
 
ANG KAHULUGAN NG SINABI NI CRISTO 
SA MATEO 28:19-20
 
                “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
                “Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.”
                Ang pinangakuan ni Cristo na sasamahan ay ang tinuruan ng Kaniyang mga utos na gumaganap. Ang katunayan nito, sinabi ni Cristo na: “Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.” Ang ating Panginoong Jesucristo ay sasama habang ginaganap ang utos na itinuro Niya. Kailanma’t hindi na utos ni Cristo ang sinusunod ay hindi na Siya kasama. Sa turo o sa aral Siya sasama hanggang sa katapusan ng sanlibutan.
                Anong pahayag pa ni Jesus ang pinagsasaligan ng mga nagsasabing hindi natalikod sa pananampalataya ang Iglesiang itinayo ni Cristo?
                Sa Juan 10:27-29 ay ganito ang mababasa:
                “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin:
                “At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailanma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.
                “Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama.”
                Ang mga tupa o mga tao ni Cristo na nakikinig sa Kaniyang tinig at sumusunod ay bibigyan Niya ng walang hanggang buhay. Sila ang tinutukoy ni Cristo na hindi malilipol at hindi maaagaw ninuman sa Kaniyang kamay.
 
                SURIIN NAMAN natin ngayon ay ang isa sa argumentong ibinibigay ng mga nagsasabing hindi natalikod ang Iglesia na itinatag ni Cristo noong unang siglo. Paano raw matatalikod ang Iglesia gayong si Cristo ang nagtayo nito? Isa raw paghamak sa kapangyarihan ni Cristo ang pagsasabing naitalikod sa pananampalataya ang Iglesiang itinatag Niya.
                Kung nalalaman ng mga taong ito ang kasaysayan ng bayang itinatag ng Diyos – ang bayang Israel – noong una ay hindi nila gagamitin ang argumentong nabanggit sa unahan.
 
ANG KATANGIAN NG ISRAEL
 
                Ano ang katangian ng Israel? Sa Deuteronomio 7:6 ay ganito ang pahayag:
                “Sapagka’t ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; pinili ka ng Panginoon mong Dios upang maging bayan sa kaniyang pagaari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.”
                Ang Diyos ang pumili sa Israel upang maging Kaniyang banal na bayan. Nakahihigit ang Israel noon sa lahat ng mga bayan sa ibabaw ng balat ng lupa, dahil siya ay sariling pag-aari ng Diyos.
                Ano ang karapatang ipinagkaloob ng Diyos sa Israel? Sa Roma 9:4 ay ganito ang pahayag ukol sa Israel:
                “Na pawang mga Israelita; na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang paglilingkod sa Dios, at ang kapangakuan.”
                Ang Israel ay nagtataglay ng maraming katangian na wala sa lahat nang bansa noon sa daigdig. Nasa kanila lamang ang pagkukupkop ng Diyos. Sa kanila lamang ibinigay ng Diyos ang tipan, ang kautusan, ang pangako, at ang karapatang maglingkod sa Kaniya.
                Paano inilarawan ng Diyos ang kaugnayan ng Israel sa Kaniya? Sa Oseas 2:19-20 ay ganito ang patotoo:
                “At ako’y magiging asawa mo magpakailan man; oo, magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang-loob, at sa mga kaawaan.
                “Magiging asawa mo rin ako sa pagtatapat; at iyong makikilala ang Panginoon.”
                Ang Israel ay kinilala ng Diyos na asawa Niya sa katuwiran, sa kahatulan, sa kagandahang-loob, sa kaawaan, at sa pagtatapat.
 
                Ano ang naging kasalanan ng Israel sa Diyos? Sa Jeremias 3:20 ay ganito ang pahayag:
                “Tunay na kung paanong humihiwalay na may pagtataksil ang babae sa kaniyang asawa, gayon kayo nagsigawang may kataksilan sa akin, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon.”
                Sa kabila ng mga katangian na ibinigay ng Diyos sa Israel, nagawa pa rin niyang magtaksil sa Diyos.
                Paano nagtaksil sa Diyos ang Israel? Sa Jeremias 3:6 ay ganito ang sinasabi:
                “Bukod dito’y sinabi sa akin ng Panginoon sa kaarawan ni Josias na hari, Iyo bagang nakita ang ginawa ng tumatalikod na Israel? Siya’y yumaon sa bawa’t mataas na bundok at sa ilalim ng bawat sariwang punong kahoy, at doon siya nagpatutot.”
                Ang Israel na itinuring ng Diyos na asawa sa katuwiran, sa pagtatapat at kababaang-loob ay nagtaksil. Siya’y naging mapakiapid o nagpatutot.
                Kanino nakiapid ang bayang Israel? Paano siya tumalikod sa Diyos? Sa Jeremias 3:8-9 ay ganito ang pahayag ng Biblia:
                “At aking nakita, nang, dahil dito sa pangangalunya ng tumatalikod na Israel, akin siyang pinalayas at binigyan ko siya ng sulat paghihiwalay, gayon ma’y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; kundi siya man ay yumaon at nagpatutot.
                “At nangyari sa walang kabuluhan niyang pagsamba sa diosdiosan, na ang lupain ay nadumhan, at siya’y sumamba sa pamamagitan ng mga bato at ng mga kahoy.”
                Ang Israel at Juda ay nagtaksil sa Diyos. Sila’y sumamba sa diyus-diyosan. Alam nilang ang Diyos lamang ang dapat paglingkuran, ngunit hindi sila nanatiling tapat.
                Ayon sa Diyos, ano ang sinapit ng Israel dahil sa pagtataksil na ginawa nito sa Kaniya? Sa Oseas 4:6 ay ganito ang pahayag ng Diyos:
                “Ang aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman: sapagka’t ikaw ay nagtakuwil ng kaalaman, akin naming itatakuwil ka, upang ikaw ay huwag maging saserdote ko: yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Dios, akin namang kalilimutan ang iyong mga anak.”
                Natalikod o nasira ang Israel sa kabila ng mga katangian nito na bigay ng Diyos. Bagaman ito ay bayan na itinatag ng Diyos at itinuring na asawa Niya sa katuwiran, gayunman ay nasira ito. Nilimot siya at itinakuwil ng Diyos, pati ng kaniyang mga anak. Hindi siya bayan ng Diyos ngayon.
                Kaya, kung totoo na hindi maaaring matalikod ang Iglesia dahil ito ay itinatatag ni Cristo, hindi rin sana natalikod ang Israel. Hindi nangangahulugan na nang tumalikod ang Israel ay nabawasan ang kapangyarihan ng Diyos. Wala sa Kaniya ang kamalian kundi nasa mga taong tumalikod sa Kaniyang mga utos. Gayundin naman hindi paghamak sa kapangyarihan ni Cristo na sabihin na natalikod sa pananampalataya ang marami sa Kaniyang mga alagad.  
                Natupad lamang ang ibinabala Niyang paglitaw ng mga bulaang propeta na magtatalikod sa Kaniyang Iglesia (cf. Mat. 24:4,11).
 
                TALAKAYIN NAMAN NATIN ngayon ay ang binabanggit ng Biblia na babaing mapakiapid (patutot) na ang kinatuparan ay ang Iglesia Katolika pa rin.
                “At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pumarito ka, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig;
                “Na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.” (Apoc. 17:1-2)
                Dito’y may sinasabi na babaing nakaupo sa maraming tubig. Ito’y ang bantog na patutot o babaing mapakiapid. Natutuhan natin mula sa Biblia na ang tunay na Iglesia ay itinulad sa babae o dalagang malinis. Kaya ang “babaeng mapakiapid” ay tumutukoy sa masamang iglesia o hindi tunay na iglesia.
                Ngayon ay simulan nating pag-aralan ang hula ng Biblia kung alin ngang iglesia ang kinatuparan nito. Alamin natin, alin ang tubig na kinauupuan ng babaing mapakiapid?
                Sa Apocalipsis 17:15 ay ganito ang sinasabi:
                “At sinabi niya sa akin, Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa, at mga wika.”
                Ang tubig na kinauupuan na babaing mapakiapid ay nasa mga bayan, mga karamihan, mga bansa, at mga wika. Samakatuwid, laganap o malawak ang nasasakop ng babaing mapakiapid.
                Sino ang babaing ito na nakalaganap sa mga bayan, mga bansa, at mga wika?
                Sa Apocalipsis 17:5 ay ganito ang pahayag:
                “At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA.”
Ang babaing mapakiapid na nakaupo sa maraming bansa sa daigdig ay may pangalang babilonia. Ano ang kahulugan ng Babilonia na siyang pangalan ng babaing mapakiapid na laganap sa maraming bansa?
                Sa Footnote o talababa ng I Pedro 5:13 sa Bagong Tipan na isinalin ng paring si Juan Trinidad ay ganito ang mababasa:
“5:13: Babilonia: ang siyudad ng Roma. Isang patalinhagang salita na marahil ay ibinatay sa karaniwang kahulugang ibinibigay ng mga Judio.”
Ang siyudad ng Roma ay tinawag na Babilonia. Kaya ang itatawag sa babaing mapakiapid ay Roma. Ito ang pinakiapiran ng mga hari sa lupa.
Aling iglesia ang may pangalang Roma at laganap sa buong sanlibutan?
Sa aklat-Katoliko na pinamagatang Siya ang Inyong Pakinggan: Ang Aral na Katoliko, sa pahina 83 ay ganito ang mababasa:

KATOLIKO ANG SANTA IGLESIA
‘Ang Iglesia Romana lamang ang tunay na katolika. Ang kahulugan ng wikang katolika ay universal o kung tatagalugin ay laganap sa lahat. Universal o laganap siya dahil sa pagkakakalat. Lumalaganap siya sa sanglibuntan.”
Ang Iglesia Romana ay tinatawag na Katolika dahil sa pagkakalaganap nito sa buong sanlibutan o dahil sa kaniyang pagiging unibersal.
Bakit ang Iglesia Katolika ay tinawag na Romana?
Sa aklat din na sinipi natin sa itaas, sa pahina 84 ay ganito naman ang sabi:
“APOSTOLIKA ANG SANTA IGLESIA
“Ang Iglesia Katolika ay apostolika dahil sa aral at turo niya. Ang aral at turo niya ay ang aral at turo ng mga apostol.
…Ang Santo Papa at ng mga obispo ay ang tunay na mga kahalili ng mga apostol. Tinatawag ang Santa Iglesia Katolika na: Romana, dahil sa ang Santo Papang mataas na puno niya ay naninirahan sa bayang Roma sa Italia.”
Ang dahilan kaya idinagdag pa ang salitang Roma sa pangalang Iglesia Katolika ay dahil sa ang Papa na mataas na puno nila ay sa bayang Roma naninirahan. Hindi galing sa Biblia ang pangalang Iglesia Katolika Romana, kundi sarili nang likha ng mga awtoridad na Katoliko.
Ano ang katunayang natupad sa Iglesia Katolika ang pakikiapid sa mga hari sa lupa?
Sa aklat ng kasaysayan na pinamagatang The Modern World, na sinulat ni Francis S. Betten, S.J., sa pahina 89 at 344 ay ganito ang sinasabi:
Ang kapapahan at ang imperyo ay dapat tumayong magkaagapay, ang bawa’t isa ay makapangyarihan sa kaniyang sariling nasasakupan, na ang emperador ay laging handang tumulong na taglay ang paggamit ng lakas na pisikal sa pamahalaang espirituwal ng papa at magtanggol ng lahat ng mga kapakanan ng Iglesia ng Diyos sa lupa.
“….ang Iglesia ay nagtatag ng isang tanging hukuman, ang Inkisisyon ng Papa o Pansanlibutang Ingkisisyon. Ang mahahalagang bahagi ng pamamaraan nito ay itinakda ng isang kalipunan ng mga batas na pinagtibay kapuwa ni Papa Lucio III at Emperador Barbarossa noon 1184. Ang mga hindi gaanong mahahalagang bahagi ay idinagdag noong 1230. Ang gayong mga hukuman ng katarungang pang-espiritu ay itinatag sa mga dakong lubos na hinawahan ng mga maling aral… Itinuturing din ng bansa ang erehiya bilang isang kasalanan, sapagka’t pinapanghihina nito ang mga saligan ng pangmadlang kagalingan. Ang parusa na itinakda ng mga batas panlupa ukol sa erehiya ay kamatayan sa apoy. Ang mga ito ay hindi kailanman ipinataw ng pansimbahang hukom.” (salin mula sa Ingles)
Ayon na rin sa kasaysayan na sinulat ng isang paring Hesuwita na si Francis S. Betten, ang Papa at Emperador ay tumayong magkaagapay. Sila’y magkatulong na nagtatag ng isang hukuman, ang Ingkisisyon – isang hukumang lumilitis sa tinatawag nilang mga erehe o mga tumututol sa mga aral ng Iglesia Katolika. Ang pamahalaang sibil ang nagpapataw ng parusa sa atas ng simbahan.
Katulad ng Israel noong una, ang unang Iglesia, nang mamatay ang mga apostol, ay nakiapid sa mga hari at nagtaksil sa ating Panginoong Jesucristo. Katunayan pa rin ito ng pagtalikod.
Pagkatapos na gawin ng Iglesia Katolika ang mga pagpatay sa pamamagitan ng Ingkisisyon, ano ang naging pangamba nila na mangyayari sa kanila?
Sa aklat-Katoliko na pinamagatang The Story of the Church, na sinulat nina Rev. George Johnson, Ph.D., Rev. Jerome D. Hannan, Ph.D., at M. Dominica, O.S.U., Ph.D., may Nihil Obstat ni Arthur J. Scanlan at Imprimatur ni Patrick Cardinal Hayes, sa pahina 237 ay ganito ang sinasabi:
Gayunman, lalo sanang mabuti kung naalaala ng mga nangunguna sa Iglesia ang sinabi ng ating Panginoon kay San Pedro noong tinagpas niya ang tainga ng alila ng dakilang saserdote roon sa halamanan ng Olivo, ‘Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan, sapagka’t hindi mo ba nalalaman na ang nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay?’ Darating ang panahon na ang mga pamunuang Protestante, sa pagtatangkilik ng mga iglesiang Protestante, ay susunod sa halimbawa ng Ingkisisyon at pahihirapan ang mga Katoliko at sila ay papatayin ng may malubhang kalupitan. (isinalin mula sa Ingles)
Ang pamunuan ng Iglesia Katolika, pagkatapos na sila’y makagawa ng mga pagpaparusa sa pamamagitan ng Ingkisisyon, ay nangamba na baka ang mga Protestante ay gumawa rin ng katulad ng ginawa nila at sila ay pagpapatayin at malubhang parusahan. Nangangamba sila na baka magdanas sila ng kalupitan sa kamay ng mga Protestante.
Samakatuwid, natupad sa Iglesia Katolika Apostolika Romana ang hula ukol sa babaing mapakiapid na nakiapid sa mga hari sa lupa. Ang Iglesia Katolika Apostolika Romana ay naging makapangyarihan dahil sa kaniyang pakikiapid sa mga hari sa lupa.
 
ANG ISA SA mga pagkakakilanlan sa tunay na Iglesia ay ang pangalang itinatawag dito. Ang pangalang yaon ay bigay ng diyos. Alinmang iglesia na iba ang pangalan kaysa ibinigay ng Diyos ay hindi maaaring maging siyang tunay na Iglesia, kahit pa nagaangkin ng pagiging tunay. Sa kasalukuyan ay marami nga ang nagaangkin nito. Dahil sa ang pangalan ng iglesia nila ay hindi mababasa sa Biblia, itinuturing nila na maliit na bagay o hindi mahalaga ang pangalan ng iglesia. Ano ang kamalian ng ganitong paniniwala?
 
UGALI NG DIYOS NA MAGBIGAY NG PANGALAN
SA KANIYANG MGA HINIRANG
 
                Ano ang katunayan na ugali ng Diyos na siya ang nagbibigay ng pangalan sa Kaniyang lingkod? Sa Genesis 17:5 ay ganito ang mababasa:
                “At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagka’t ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.”
                Ang pangalang Abram ay ginawa ng Diyos na Abraham. Galing sa Diyos ang pangalang Abraham.
                Sino rin ang nagbigay ng pangalan sa anak ni Abraham? Sa Genesis 17:19 ay ganito ang pahayag:
                “At sinabi ng Dios, Hindi, kundi ang iyong asawang si Sara ay magkakaanak sa iyo; at tatawagin mo ang kaniyang ngalang Isaac; at aking pagtitibayin ang aking tipan sa kaniyang lahi pagkamatay niya.”
                Nang magkaanak sina Abraham at Sara ang Diyos din ang nagbigay ng pangalan nito.
                Ang Iglesia, na sinabi ni Cristo na “aking iglesia,” ang itinayo Niya sa ibabaw ng bato. Sa Pedro 2:3-5 ay sinasabing ang itatayo sa ibabaw ng bato ay bahay. Sa Mateo 16:18 naman ay sinasabing ang itatayo ni Cristo sa ibabaw ng bato ay ang Kaniyang Iglesia. Kaya, alamin natin, ang Iglesia ba’y bahay ng Diyos? Sa I Timoteo 3:15 ay ganito ang pahayag:
                “Nguni’t kung ako’y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.”
                Ang bahay na itinayo sa ibabaw ng bato ay ang Iglesia na haligi ng katotohanan. Dahil sa mababasang ang iglesia ay iglesia ng Diyos, ang akala ng iba ang pangalan ng iglesia ay Iglesia ng Diyos.
                Ano ang pangalan ng Iglesia na noong panahon ng mga apostol ay nasa Judea? Sa I Tesalonica 2:14 ay ganito ang mababasa:
“Tinularan nga ninyo, mga kapatid, ang mga iglesia ng Diyos sa Judea, ang mga iglesya ni Kristo Jesus..” (Biblia ng Sambahayang Pilipino)
Ang iglesia ng Diyos na pangalan sa kalipunan ng mga tao na hinirang Niya sa panahong Cristiano ay Iglesia ni Crsito.
Ang ibinigay ng Diyos na pangalan sa kalipunan ng mga tao na hinirang Niya sa panahong Cristiano ay Iglesia ni Cristo. Ito ang Iglesiang itinayo ni Cristo noong unang siglo. Ito rin ang Iglesia na hinulaan ni Cristo at ng mga apostol na itatalikod ng mga bulaang propeta.
Bakit Iglesia Katolika ang pangalan ng Iglesia na ating kinagisnan samantalang ang Iglesiang itinatag ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo?
 
PINALITAN ANG PANGALAN
 
                Sa aklat-Katoliko na pinamagatang ‘RomanCatholic, na sinulat ni Edward K. Taylor, isang paring Katoliko, sa pahina 3 ay ganito ang pahayag:
Katolika… Ito ay unang ginamit ni San Ignacio, obispo ng Antiokya sa Siria, na pinatay noong 110 A.D.
“Ang Iglesiyang itinatag ni Cristo ay narito sa unang pagkakataon, na tinawag na ‘ang Iglesia Katolika’…” (isinalin mula sa Ingles)
Ang unang gumamit ng salitang “Katolika” at ikinapit sa Iglesia ay si Ignacio, ang obispo ng Antiokya sa Siria noong 110 A.D.
Ang katagang Romana ay idinagdag ng Konsilyo sa Trento ayon pa rin sa ‘RomanCatholic (p.7). Sa wakas, ang opisyal na pangalan ng Iglesia Katolika ay pinagtibay ng mga obispong nagkatipon sa konsilyo sa Batikano noong 1870. Ito ang isinasaad sa aklat na “Discourses on the Apostles’ Creed” na sinulat ni Clement H. Crock, sa pahina 191:
Noong 1870, sa Konsilyo ng Batikano, ang pangalang ‘Iglesia Katolika Romana’ ay iminungkahi, ngunit ito ay hindi tinanggap. Buong pagkakaisang pinagtibay ng mga obispong nagtipon ang opisyal na pangalang ito: ‘Ang Banal na Iglesia Katolika Apostolika Romana’…”
Ganap na nawala ang pangalang Iglesia ni Cristo, na siyang pangalan ng Iglesiang itinayo ni Cristo. Ang ipinalit ay ang pangalang Ang Banal na Iglesia Katolika Apostolika Romana. Inaamin ng pari ng Iglesia Katolika na si Juan Trinidad, na sumulat ng aklat na pinamagatang Ang Iglesia ni Kristo at iba’t ibang Sekta ng Protestante, na ang pangalang Iglesia Katolika Apostolika Romana ay hindi galing kay Jesus:
Hindi galing kay Jesus ang pangalang ‘Iglesia Katolika Apostolika Romana’. (p. 25)
Ayon sa pari ng Iglesia Katolika, hindi raw galing sa Panginoong Jesucristo ang pangalang Iglesia Katolika Apostolika Romana.
Ano ang kasamaan ng ginawa ng Iglesia katolika na pagtatakuwil sa pangalan ni Cristo? Sa Gawa 4:10 at 12 ganito ang mababasa:
Talastasin ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito’y nakatindig sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-cristong taga-Nazaret. Siya’y inyong ipinako sa krus, ngunit muling binuhay ng Diyos.
Ang pagtakuwil sa pangalan ni Cristo ay ikawawala ng kaligtasan at ang isa pang katunayan na hindi tunay na iglesia ang Iglesia Katolika ay sapagkat itinakuwil ang pangalang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao.
 
MARAMI ANG NANINIWALA na ang Iglesia Katolika ang iglesiang itinayo ng ating Panginoong JesuCristo. Subalit kung susuriing mabuti ang mga aral at gawain ng Iglesia Katolika ay makikita natin na ibang-iba sa Iglesiang itinayo ng ating Panginoong Jesucristo.
 
ANG ILAN SA MGA ARAL NA ITINUTURO NG 
IGLESIA KATOLIKA
 
1. Ukol sa puno o pangulo ng Iglesia Katolika:
                Ang kalahatang Kristiano, at ang puno nila’y Santo Papa sa Roma.” (Catesismong Tagalog, p. 25)
                Ang Iglesia Katolika raw ay ang kalahatang Cristiano na ang puno nila ay ang Papa sa Roma.
2. Ukol sa kinatatayuan ng Iglesia Katolika:
                Ang salitang Pedro, sa wikang Siro-Kaldaiko, na siyang ginamit ng ating Mananakop, ay nangangahulugang bato.
                “Si Hesus na ating Panginoon at nagtatag ng iisa lamang Iglesia, na marapat niyang itayo sa ibabaw ni Pedro. Samakatuwid, ang alin mang iglesiang di kumikilala kay Pedro bilang kanyang kinatatayuan ay di siyang Iglesia ni Cristo… (Ang Pananampalataya Ng Ating Mga Ninuno, p. 105)
                Si Apostol Pedro raw ang batong pinagtayuan ni Cristo ng Kaniyang Iglesia. Ang hindi raw kumikilala kay Apostol Pedro bilang kinatatayuan ng Iglesia ay hindi siyang Iglesia ni Cristo.
                Bakit ganito ang paniniwala ng Iglesia Katolika? Sapagkat ang kahulugan daw ng salitang “Pedro” sa wikang Siro-Kaldaiko ay bato.
3. Ukol sa Tagapamagitan at sa pagkukumpisal:
                Dinadalanginan natin ang Mahal na Virgin at ang ibang santo sa langit, upang sila’y papurihan natin at ilagay na tagapamagitan natin sa harapan ng Dios. (Siya Ang Inyong Pakinggan, p. 237.)
                Dinadalanginan ng Iglesia Katolika si Maria at ang ibang kinikilala nilang mga santo. Para sa kanila, ang mga ito ay tagapamagitan nila sa Diyos. Pagtuunan naman natin ng pansin kung kanino nagkukumpisal ang mga Katoliko:
                Ako’y makasalanan, ako’y magkukumpisal sa ating Panginoong Dios na makapangyayari sa lahat, kay Sta. Mariang Virgen, kay San Miguel Arcangel, kay San Juan Bautista at sa mga Santos Apostoles, kay San Pedro, kay San Pablo at kay San Agustin Ama natin, sa lahat ng Santos at sa iyo Padre, nagkasala ako sa panimdim, sa pagwika at sa paggawa, ako ngani’y sala, ako’y makasalanan, sala nga akong lubha. Kaya nga yata nananalangin ako kay Santa Mariang Virgen, Kay San Miguel Arcangel, kay San Juan Bautista at sa mga Santos Apostoles, kay San Pedro, kay San Pablo at kay San Agustin Ama natin, at sa lahat ng Santos na ako’y ipanalangin nila at ikaw naman Padre, ako’y ipanalangin mo sa ating Panginoong Dios, yamang kahalili ka ng Dios dito sa lupa, ako’y kalagan mo sa kasalanan ko at parusahan mo ako. Amen Jesus” (Catesismong Tagalog, p. 16)
                Bakit sa mga pari nagkukumpisal ang mga Katoliko?
                Ngayon ang kapangyarihang makapagpapatawad ng mga kasalanan ay nasa mga Obispo at mga pari ng Iglesia Katolika…..Tunay nga! Ang kapangyarihang hindi ibinigay ng Dios sa mga angel at mga arkangel man, at sa alin pa mang pulutong na nasa langit, ay ibinigay niya sa taong nagpapare na sinabi sa kanila: ‘Ang lahat ng inyong talian sa ibabaw ng lupa, ay tatalian naman as langit; at ang lahat ng inyong kalagan dito sa lupa, ay kakalagan naman sa langit’. (Siya Ang Inyong Pakinggan, p. 209)
                Kung ang mga aral na ito na itinuturo ng Iglesia Katolika ay katulad ng itinuturo ng Biblia ay totoo nga na siya ang Iglesiang itinatag ni Cristo. Ngunit kung iba ang aral Katoliko sa aral ng Biblia, ang kahulugan nito: ang Iglesia Katolika ay tumalikod sa mga aral ng Diyos.
1. Ang puno o pangulo ng Iglesia – si Cristo:
                “Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Efe. 5:23)
                Sa tunay na Iglesia ay si Cristo ang kinikilalang pangulo o puno. Ang Diyos ang gumawa kay Cristo bilang pangulo ng Iglesia. Ang Diyos din ang nagtalaga sa Kaniya bilang Tagapagligtas ng Iglesia.
2. Ang batong kinatatayuan ng Iglesia, ayon sa mga apostol:
                “Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya:
                “Na kayo’y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana’y itinakuwil ng mga tao, datapuwa’t sa Dios ay hirang, mahalaga.
                “Kayo rin naman, gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.” (I Ped. 2:3-5)
                “Na mga itinayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok;
                “Na sa kaniya’y ang boong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon;
                “Na sa kaniya’y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.” (Efe. 2:20-22)
                Nagkakaisa sina Apostol Pedro at Pablo sa pagtuturo na ang Panginoong Jesucristo ang batong kinatatayuan ng Iglesia. Hindi kaisa ng pagtuturo ng mga apostol ang pagtuturo ng mga pari ng Iglesia Katolika.
3. Ang Tagapamagitan:
                “Sapagka’t iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim. 2:5, MB)
                Hindi marami ang Tagapamagitan. Ayon kay Apostol Pablo, ang Tagapamagitan sa iisang Diyos at sa mga tao ay iisa lamang – ang taong si Cristo Jesus.
                Itinuro rin ni Apostol Juan na iisa ang Tagapamagitan:
                “Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo’y huwag mangagkasala. At kung sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucrsito ang matuwid:
                “At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa boong sanglibutan din naman.”
(I Juan 2:1-2)
                Ayon pa rin kay Apostol Juan, kanino dapat magkumpisal o magpahayag ng mga kasalanan ang mga Iglesia ni Cristo? Sa Juan 1:9 ay ganito ang kaniyang patotoo:
                “Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya’y matuwid.’ (MB)
                Ayon kay Apostol Juan, sa Diyos dapat ipahayag o ikumpisal ang ating mga kasalanan. Siya ang magpapatawad at maglilinis ng ating mga kasalanan, at hindi ang mga paring Katoliko.
                Noon, kanino nagkumpisal si haring David ng kaniyang mga kasalanan? Sa Awit 32:5 ay ganito ang pahayag:
                “Aking kinikilala ang aking kasalanan sa iyo. At ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: Aking sinabi, Aking ipahahayag ang aking pagsalansang sa Panginoon; At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.”     
                Sa Diyos nagkumpisal si David. Sa Diyos siya humingi ng kapatawaran sa mga kasalanan na kaniyang nagawa. Kaya, ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay sa Diyos din nagkukumpisal ng kasalanan. At ang Tagapamagitan na nilalapitan ay ang Panginoong Jesucristo.
                Sa harap ng katotohanang ito, maikakaila pa kaya ng mga tagapagtaguyod ng Iglesia Katolika na ang kanilang Iglesia ay ibang-iba sa Iglesiang itinayo ni Crsito? Nahahayag ang katotohanan – tunay na natalikod nga ang Iglesia ni Cristo na itinatag ni Jesus noong unang siglo. Hindi na natin ito kinagisnan dahil sa paglitaw ng mga bulaang mangangaral na siyang nagtalikod sa mga Cristiano.
                Napatunayan natin na ang isa sa mga ikinaiiba ng Iglesiang itinatag ni Cristo sa Iglesia Katolika ay ang tungkol sa paniniwala sa kung sino ang kinasasaligan ng tunay na Iglesia. Ang itinuturo ng Iglesia Katolika na batong kinatatayuan ng Iglesia ay kaiba sa itinuturo ng Biblia. Pag-aralan natin kung paano nahulog ang Iglesia Katolika sa paniniwala at pagtuturo na si Apostol Pedro ang batong kinatatayuan ng Iglesia.
                Sino nga raw ba ang kinatatayuan ng tunay na Igelsia ayon sa awtoridad ng Igelsia Katolika?
                “ Si Hesus na ating Panginoon ay nagtatag ng iisa lamang Iglesia, na minarapat Niyang itayo sa ibabaw ni Pedro. Samakatuwid, ang alin mang iglesiang di kumikilala kay Pedro bilang kanyang kinatatayuan ay di siyang Iglesia ni Cristo…”      (Ang Pananampalataya ng ating Mga Ninuno, p. 105)
                Ayon kay Cardinal Gibbons, ang ating Panginoong Jesucristo ay nagtayo ng iisa lamang Iglesia. Ito ay minarapat daw Niyang itayo sa ibabaw ni Apostol Pedro. Sinasabi pa na alinman daw Iglesia na hindi kumikilala kay Apostol Pedro bilang batong saligan ng Iglesia ay hindi siyang tunay na Iglesia ni Cristo.
                Tangi pa raw kay Apostol Pedro, sino pa raw ang kinatatayuan ng Iglesia Katolika?
                Sa aklat-Katoliko na pinamagatang Buhay Katoliko, na sinulat ni Gerard Linssen, isang paring Katoliko, sa pahina 95 ay ganito ang mababasa:
                “Si San Pedro (at kaniyang mga kahalili) ang bato na kinatatayuan ng Iglesia Katolika.”
                Ang mga kahalili raw ni Apostol Pedro (ang mga papa ng Igleisa Katolika) ay bato raw na kinatatayuan ng Iglesia.
                Itinuturo ng Iglesia Katolika na si Apostol Pedro ang batong kinatatayuan ng Iglesia?
                “Ang salitang Pedro, sa wikang Siro-Kaldaiko, na siyang ginamit ng ating Mananakop, ay nangangahulugang bato.”
                Itinuturo ng Iglesia Katolika na kay Apostol Pedro nakatayo ang Iglesia dahil ang kahulugan ng salitang “Pedro” ay bato.
                Ang kahulugan nga ba ng salitang Pedro ay bato? Sa Juan 1:42:
                “At kaniyang dinala siya kay Jesus. Nang tumingin si Jesus sa kaniya ay sinabing, ‘kaw ay si Simon na anak ni Juan, Tatawagin kang Cefas (na kung liiliwanagin, Isang bato)’.”  (Isinalin mula sa New King James Version)
                Dahil ba sa ang kahulugan ng salitang “Pedro” ay bato ay sa kaniya na itinayo ni Cristo ang Iglesia? Natatangi ba si Apostol Pedro sa pagiging bato? Sa I Pedro 2:3-5 ay ganito ang sinasabi:
                “Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya:
                “Na kayo’y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana’y itinakwil ng mga tao, datapuwa’t sa Dios ay hirang, mahalga.
                “Kayo rin naman, gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng hain na ukol sa espiritu, nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.”
                Si Cristo ay bato at ang mga hinirang Niya ay mga bato rin. Si Cristo ang batong panulok na kinatatayuan ng Iglesia.
                Ano ang iminamatuwid ng mga paring Katoliko tungkol sa paniniwala nila na si Apostol Pedro ang batong kinatatayuan ng Iglesia?
                Sa aklat-Katoliko na pinamagatang The Question Box, sinulat ni Bertrand Conway, sa pahina 149 ay ganito ang sabi:
                “Si Cristo ang Banal na tagapagtatag ng Iglesia, na siyang pangunahing Bato nito; si Pedro ang batong pumapangalawa…”(Isinalin mula sa Ingles)
                Si Cristo raw ang pangunahing bato (primary stone) at si Apostol Pedro ang pangalawang bato (secondary stone). Sumasang-ayon ba si Apostol Pablo sa pagtuturong ito ng mga paring Katoliko? Sa I Corinto 3:11 ay ganito ang paliwanag ni Apostol Pablo:
                “Sapagka’t sinoman ay hindi makapaglalagay ng isang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito’y si Cristo Jesus.”
                Tutol si Apostol Pablo sa pagtuturo ng mga paring Katoliko. Dapat ba tayong magtaka kung pinalitan ng Iglesia Katolika si Cristo bilang kinatatayuan ng Iglesia? Sa Awit 118:22-23 ay ganito ang pahayag:
                “Ang bato na itinakuwil ng nangagtayo ng bahay. Ay naging pangulo sa sulok.
                “Ito ang gawa ng Panginoon: Kagilagilalas sa harap ng ating mga mata.”
                Ayon sa hula ng Diyos ang bato ay itatakwil ng mga nagtayo ng bahay. Ito ang gawa ng Panginoon na kagilagilalas sa ating mga mata.
                Sino ang batong itinakwil ng mga nagtayo ng bahay ayon kay Apostol Pedro? Sa Gawa 4:10-11 ganito ang kaniyang paliwanag:
                “Talastasin ninyong lahat, at ng boong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Diyos na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.
                “Siya ang bato na itinakwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok.”
                Hindi natin dapat ipagtaka na pinalitan ng Iglesia Katolika si Cristo bilang batong tayuan sapagka’t natupad ang hula ng Banal na Kasulatan na talagang may magtatakwil sa batong inilagay ng Diyos, na ito ay ang ating Panginoong Jesucristo. Ipinalit nila si Apostol Pedro na wala namang kinalaman sa kanilang ginawa at diumano ng mga Papa ng Iglesia Katolika ang humalili kay Apostol Pedro.
                Ano pa ang hula ni Apostol Pedro sa gagawin sa ating Panginoong Jesucristo? Sa II Pedro 2:1 ay ganito ang pahayag:
                “Ngunit may nagsilitaw din sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo’y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na nangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkahamak.”
                Batay sa hula ni Apostol Pedro, paglitaw ng mga bulaang propeta at mga bulaang guro ay magpapasok sila sa Iglesia ng hidwang pananampalataya at itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila. Ang pagtatatuwang ito’y magbubunga sa kanila ng madaling kapahamakan.
                Ano ang ikakikilala sa mga bulaang propeta na magtatatuwa kay Cristo? Sa Mateo 7:15 ay ganito ang pagpapakilala ni Cristo:
                “Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila.”
                Ang bulaang propeta ay magdadamit tupa o gagayahin ang pananamit ni Jesus.
                “Ng kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan.” (Juan 1:29)
                Sino ang tumulad sa damit ng ating Panginoong Jesucristo? Sa aklat-Katoliko na pinamagatang Siya Ang Inyong Pakinggan: Ang Aral Katoliko,  sa pahina 195, ay ganito ang mababasa:
                “ANG PANANAMAIT NG PARENG NAGMIMISA.
“Ang pareng gayak sa pagmimisa ay nakakatulad ni Jesukristo noong umakyat sa bundok ng kalvario…”
Ang mga pari ng Iglesia Katolika ang tumulad sa pananamit ni Jesucristo, na siyang nagtatuwa o nagtakwil sa pagiging bato ng ating Panginoong Jesucristo. Kaya ang mga bulaang propeta ay mga pari ng Iglesia Katolika.
 
ANG KASAYSAYAN NG Iglesia sa panahon ni Cristo at ng mga apostol ay malinaw na mababasa sa Biblia. Ang malabo sa marami ay ang kasaysayan ng Iglesia pagkatapos ng panahon ng mga apostol o nang mamatay na sila.
Ngunit bago mamatay ang mga apostol ay naipagpauna na nila ang mangyayari sa Iglesia pagkatapos ng kanilang panahon. Kaya kung nais nating malaman ang nangyari sa Iglesia pagkatapos ng panahon ng mga apostol, hindi maiiwasang sangguniin ang mga hulang yaon at pagkatapos ay suysuyin natin ang pangkasalukuyang tala ng kasaysayan ng Cristianismo pabalik hanggang sa madugtong tayo sa panahaon ng mga apostol. Bakit mahalaga na ito ay ating pag-aralan?
 
ANG GINAMIT NA KATIBAYAN NG MGA PARI
 
                Ano ang ginagamit na katibayan ng mga pari na kung susuriing mabuti ay katunayan pa nga na tumalikod ang Iglesia Katolika? Sa aklat-Katolika na pinamagatang Commentary on the Official Cathechism of the Philippines ay ganito ang pagkakasalin sa Pilipino:
                “Ano ang pinakamabuting katunayan na ang Iglesia Katolika ang siyang tunay ng Iglesia?
                “Ang pinakamabuting katunayan na ang Iglesia Katolika ang tunay na Iglesia ay sapagka’t Siya’y namamalaging pinamamahalaan ng kahalili ni San Pedro.” (p. 133)      
                Ang pinakamabuting katunayan daw na ang Iglesia Katolika ang tunay na Iglesia ay ang pamamalagi nito na pinamamahalaan ng kahalili ni Apostol Pedro. Sino ang tinutukoy na kahalili raw ni Apostol Pedro? Sa aklat-Katoliko na pinamagatang Siya ang Inyong Pakinggan: Aral na Katoliko ay ganito ang mababasa sa pahina 84:
                Áng Iglesia Katolika ay apostolika dahil sa aral at turo niya. Ang aral at turo niya ay ang aral at turo ng mga apostol….Ang Santo Papa at ang mga Obispo ay ang tunay na mga kahalili ng mga apostol. Tinawag ang Santa Iglesia Katolika na Apostolika: dahil sa ang Santo Papang mataas na puno niya ay naninirahan sa bayang Roma sa Italia.”
                Ang humalili raw kay Apostol Pedro at sa mga apostol ay ang Papa sa Roma at ang mga Obispo. Kaya raw tunay ang Iglesia Katolika ay sapagkat namamalagi raw itong pinamamahalaan ng kahalili ni Apostol Pedro. Ito, para sa kanila, ang pinakamabuting katunayan na ang Iglesia Katolika ang tunay na Iglesia.
                Mayroon nga bang humalili sa mga apostol? Anong uri sila? Makaapostol ba? Narito ang pahayag ni Apostol Pablo sa Gawa 20:29-30:
                “Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan.
                “Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y maililigaw sila.” (Magandang Balita Biblia)
                Mayroon ngang humalili sa mga apostol.  Ngunit ayon kay Apostol Pablo, sila’y mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad at sa gayo’y mailigaw sila. Ang mga sumunod o humalili sa mga apostol ay mga nagligaw o nagtalikod sa mga Cristiano.
                Sino ang taong yaon? Paano nila nailigaw sa pananampalataya ng mga apostol? Sa II Pedro 2:1 ay ganito ang pahayag:
                “Noong una, lumitaw sa Israel ang mga bulaang propeta. Sa inyo naman, may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitan nila ng katusuhan ang pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoong nagligtas sa kanila, kaya’t biglang darating sa kanila ang kapahamakan.” (Ibid.) 
                Ang mga bulaang guro ang gagamit ng katusuhan sa pagtuturo ng mga aral na makasisira sa pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoong Jesus na Tagapagligtas.
 
ANG PAG-AMIN NG IGLESIA KATOLIKA
 
                Inaamin ba ng Iglesia Katolika na mga tuso nga ang mga Papa na kinikilala nilang humalili sa mga Apostol? Ano-anong mga katusuhan at kamalian ang kanilang itinuro? Sa aklat-Katoliko na pinamagatang Facts of the Faith, na isinulat ni Msgr. John Donald Conway, sa pahina 20:
                “Halos ang ikatlong bahagi ng mga Papa ay pinapaging-banal na. Datapuwa’t ang mga ‘knaves’ o tuso na naghawak ng tungkulin ay ‘infallible’ rin tulad ng mga Santos: Pinangunahan ng mga ‘dullards’ o ng mga gago ang Iglesia Katolika Apostolika Romana sa daan ng katotohanan na may boong katapatan katulad ng mga dalubhasa.” (Isinalin mula sa Ingles)
                Ang halos ikatlong bahagi raw ng mga Papa ay mga banal na. Datapuwa’t ang mga ‘knaves’ o mga tuso ay ‘infallible’ o hindi nagkakamali tulad daw ng katotohanan na may buong katapatan katulad din ng dalubhasa. Sino ngayon ang maniniwala sa aral ng Iglesia Katolika?
                Ano ang ating matutuklasan kapag pinag-aralan natin ang kasaysayan ng Iglesia Katolika Apostolika Romana? Sa aklat na Night Journey From Rome ni Clark Butterfield sa pahina 54 ay ganito ang mababasa:
                “Ang pag-aaral ng Kasaysayan ng Iglesia [Katolika] ay pinakamalaking pagkamulat sa maling paniniwala (grand disillusionment). Ang karamihan sa mga Katoliko ay inakay sa paniniwala na ang iglesia ay ang sariling organisasyon ni Cristo.
                “Ngunit ang katotohanan ay nakasisindak!…Aking pinasok ang pag-aaral ng kasaysayan noong una na may pagkasindak, pagkatapos ay pagkalito….
                “Nalaman ko na ang ilang mga Papa ay ipinapatay at ang iba ay pumatay; ang iba ay nagkasala ng sekswal na relasyon sa kamag-anak; marami ang mga nanguna sa hukbo patungo sa mga madugong digmaan…Wala itong maliwanag at kapanahong ibidensiya na si Pedro ay naging Obispo ng Roma o kaya’y ang Roma ay nagkaroon ng isang Obispo hanggang sa dumating ang ikalawang siglo.” (Isinalin mula sa Ingles)
                Napatunayan ba ng paring nagsuri na ang Papa ay pinapatnubayan ng Espiritu Santo at di nagkakamali?
                “Aking naipakita na ang pag-aangkin ng Iglesia [Katolika] Romana sa katangiang patnubay at pag-iingat ng Espiritu Santo mula sa pagkakamali sa pamamagitan ng tanggapan ng Papa ay walang-saysay sa pamamagitan ng mga opisyal na pagtuturo nito na di maka-Cristiano, mga doktrinang di maka-Biblia…na sa kalaunan ay aking naitanong, ang Espiritu Santo ba ay natutulog o walang ginagawa nang ang mga sumusunod ay maganap sa mahaba, madungis, at masalimuot na kasaysayan ng Iglesiang iyon? At ito lamang ang iisa sa mga kapuna-punang halimbawa:
                “Papa Sergio III (909-911) may kalaguyo at ang kanilang anak sa labas ay naging Papa.
                “Papa Juan X (914-928) may maraming kalaguyo at napatay (ng asawa ng babae) habang nasa akto ng pakikiapid.
                “Papa Bonifacio VII (984-985) Ipinapatay ang pinalitan niyang Papa, si Juan XIV.
                “Papa Benedicto VIII (1012-1024) binili ang kaniyang pagka-Papa.
                “Papa Benedicto IX (1033-1045)ginawang Papa sa edad na 12. siya ay gumawa ng mga pagpapapatay at mga hayag na pagnanakaw at sa katapusan ay pinalayas papalabas sa Roma ng mga tao. Noong taong 1045 at 1046 ay mayroong tatlong magkakaribal na Papa! At sa panahon ni Papa Alejandro III (1159-1181) ay mayroong apat na magkakaribal na Papa! Maaari bang magpakilala ang tunay na Pedro ?
                “Ang kakilakilabot na Ingkisisyon ay pinasimulan ni Papa Inocencio III (1198-1216) at ito ay tumagal nang may 500 taon. Ito ang korte ng Iglesia (Katolika) sa pagtuklas at pagpaparusa sa mga erehe. Ito ay nananagot sa mga pagpapahirap at kamatayan ng hindi mabilang na mga banal na tumutol sa mga doktrina at mga kagawian ng Roma. Sa panahon ng Repormasyon, ito ay ang makamatay instrumento na ginamit upang sugpuin ang mga lumilitaw na mga Protestante, at ito ay tinatayang may pananagutan sa kamatayan ng may 900,000 na kumikilalang mga Cristiano sa panahon lamang ng periodong iyon!
                “O, nakahihiya, na ang Espiritu Santo ay inangkin bilang patnubay ng isang organisasyon na nagsagawa ng gayong malabis na kawalanghiyaan. Sa katotohanan, ang Aklat ng Apokalipsis ay nagbubunyag sa babaeng mapakiapid ng Babilonia [o Iglesia Katolika] na lasing sa dugo ng mga martir (Apoc. 17:6). Ako ay nahihiya na maging pari ng organisasyong iyon.” (Ibid., pp.101-102, Isinalin mula sa Ingles)
                Ang paring nagsuri ukol sa kasaysayan ng Iglesia Katolika ang nagpapatotoo sa mga nakahihiyang ginawa ng Iglesia Katolika?
                “Ang tanging pinakamahirap para sa akin sa seminaryo ay ang pangahas na pag-aangkin na si Maria ay Tagapamagitan ng Lahat ng Biyaya at Kapuwa-Manunubos para sa kapakanan ng kaligtasan. Ito ay hindi itinuro ng Biblia. Ito ay radikal na pagsalungat sa turo ng Bagong Tipan na si Jesu-Cristo ay ang ating nag-iisa at katangi-tanging Tagapamagitan.” (Ibid., pp. 55-56, Isinalin mula sa Ingles)
                Totoo na wala saan mang bahagi ng Bagong Tipan na si Maria na ina ng ating Panginoong Jesucristo ay ginawa ng Diyos na Tagapamagitan. Iisa ang Tagapamagitan sa iisang Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus (I Tim. 2:5, MB). Patay pa si Maria hanggang ngayon!
                Ano pa ang maling aral na itinuro ng Iglesia Katolika?
                “Ang nakapangingilabot, at makademonyong katotohanang ukol sa ideya ng pangungumpisal ng kasalanan sa pari ay nagsimula bago pa ang panahong Cristiano, ito ay nagtataglay ng pasimula mula sa mga mahiwagang kulto ng idolatrikong taga-Babilonia:
                “Babel, o Babilon, itinayo ni Nimrod…Ito ang sentro ng unang dakilang pagtalikod. Dito ang ‘Kulto ng taga-Babilonia’ ay naimbento, isang sistema na nag-aangkin sa pagsisiwalat ng mga pinakabanal na lihim. Bago tanggapin ang isang kaanib ay kailangan muna niyang ‘Magkumpisal’ sa pari. Sa gayon ay nailalagay siya sa ilalim ng kapangyarihan ng pari. Ito ang lihim na kapangyarihan ng mga pari ng Iglesia Katolika Apostolika Romana ngayon.” (Ibid., p. 108, Isinalin mula sa Ingles)
                Ang mga pari mismo ng  Iglesia Katolika ang nagpapatotoo na nagturo sila ng mga maling aral sa pangunguna ng kanilang Papa. Ano ang kahulugan nito? Ang inaangkin ng Iglesia Katolika na pinakamabuting katunayan ng pagiging tunay na Iglesia ay walang katotohanan kundi ito’y isang matibay na ebidensiya na siya nga ay tumalikod sa pagka-Cristiano.

TALASANGGUNIAN

A.D., O.C.D. Commentary on the Official Catechism of the Philippines, Manila: Daughters of St. Paul, 1959.
Baintan, R. H. The Church of Our Fathers.
Philadelphia: The Westminster Press. 1950.
Betten, Francis S. and Alfred Kaufmann. The Modern World. Norwood, Massi Berwich & Smith Co., 1919
Bakenkatter, Thomas. A Concise History of the Catholic Church. rev. ed. United States of America: Doubleday Publishing Group , 1979.
Buterfield, Clark. Night Journey from Rome. United States of America: Chick Publications, 1982.
Conway, Bertrand L. The Question Boa. New York: The Paulist Press, 1929.
Conway, John Donald. Facts of the Faith, New York: All Saints Press, Inc, 1959.
Crack, Clement M. Discourses on the Apostles’ Creed, 6th printing, New York: Joseph F. Magner, Inc., 1938.
De Amezquita, Luis Catecismong Tagalog, Manila: Akistang Lunas, 1948.
Demond , Enrique. Siya Ang Inyong Pakinggan: Ang Aral na Katolika, Oroquista, Manila: Catholic Trade School, n.d.
Gibbons, James. Ang Pananampalataya ng Ating mga Ninuno. Philippines: National Book Store, Inc. 1950
Halley, Henry M. Halley’s Bible Handbook, 24th edition, Grand Rapids, Michigan: Zondervan Publishing House, 1965.
Hurlbut, Jesse Lyman. The Story of the Christian Church. latest revised edition. Grand Rapids, Michigan: Zondervan Publishing House, 1970.
Javier, Lina D. Saradong Katoliko Romano Kami, Oroquista, Manila: Catholic Trade School, n.d.
Johnson, George et al. The Story of the Church, United States of America: Benriger Brothers, 1935.
Johnson, Paul. A History of Christianity. New York: Heidenfeld & Hocholson, 1976.
Kee, Howard Clark, Franklin M. Young , and Karlfried Frashlich. Understanding the New Testament. 2nd edition.
New Jersey: Prentice-Hall, Inc. 1965.
Kuiper, B.K. The Church in History, 15th printing, Grand Rapids, Michigan, CSI Publications, 1984.
Linssen, Gerard. Buhay Katoliko. Manila: St. Paul Publications, 1962
O “Brian, John A. The Truth About the Inquisition. New York: The Paulist Press, 1950.
Renwick, A.M. The Story of the Church, reprinted. Leicester, England: Inter-Versity Press, 1958.
Strong, Augustus Hopkins.systematic Theology, 16th printing, Philadelphia: The Judson Press, 1951.
Taylor, Edward K. ‘Roman’ Catholic, London, England: Incorporated Catholic Truth society, 1961.
Trinidad, Juan. Ang Iglesia ni Kristo at iba’t ibang Sektang Protestante, 3rd edition. Oroquista, Manila: Catholic Trade School, n.d.
Wells, H.B. The Outline of History.vol. 1. New York: Doubleday & Company, 1956.
The World’s Great Events. vol. 2. New York: P.F. Collier & Son Corporation, 1948. 

No comments:

Post a Comment