Halos lahat ng mga relihiyon sa
kasalukuyan ay naniniwala na may Araw ng Paghuhukom na kung tawagin nga ng iba
ay katapusan ng mundo. Madalas na din nating makita maging sa mga pelikula at
sa iba pang entertainment media ang iba’t-ibang istorya tungkol sa kung paano
magwawakas o magugunaw ang mundo. Maging ang mga scientistay may mga sinasabi
tungkol sa isyung ito, na madalas din nating mapanuod sa television. At ang
pinakasikat ay tungkol sa hula diumano ni Nostradamus na mangyayari daw na
katapusan ng mundo sa Disyembre ng taong 2012 na nakita din natin na ginawaan
pa nga ng isang pelikula.
Marami ang natatakot at nangangamba,
may mga nagsasabi namang iba na, “bahala na raw kung ano ang mangyari”, ang iba
naman ay nagsasabing “nananakot lang iyang mga relihiyon na iyan, kung talagang
mangyayari iyan eh di sana noon pa”, na ang mga ito ay ang mga hindi naniniwala
na may paghuhukom. Ang iba nama’y ipinagwawalang bahala ang bagay na ito, na
ang mga ito naman ay yung mga tao na ang pinag-uukulan lang ng pansin ay kung
papaano mabubuhay ng maayos sa mundong ito na ginugugol ang kanilang buong
panahon sa paghahanap ng ikabubuhay. Ang iba naman ay nagsasabi: “mainam kung
matatapos na ang mundo, di wala na tayong problema, kasi patay na tayo,
matatapos na ang lahat ng ating paghihirap”, mga taong nag-aakala na ang
paghuhukom ay basta paglipol lamang ng mga tao at iyon na ang wakas at wala
nang kasunod.
Atin ngayong puntahan ang sinasabi
ng Biblia tungkol sa isyung ito, ano ba ang Araw ng Paghuhukom?
Zefanias 1:14-15, 18 “Ang dakilang
kaarawan ng Panginoon ay malapit na, malapit na at nagmamadaling mainam, sa
makatuwid baga'y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon; ang makapangyarihang tao
ay sumisigaw roon ng kalagimlagim. Ang araw na yaon ay kaarawan ng kapootan,
kaarawan ng kabagabagan at kahapisan, kaarawan ng kawakasan at kasiraan,
kaarawan ng kadiliman at kalumbayan, kaarawan ng mga alapaap at pagsasalimuot
ng kadiliman,…Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi
makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong
lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't
wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan
sa lupain.”
Ang Araw ng Paghuhukom ay ang dakilang araw ng kapootan ng Panginoon, na kung
saan sa pamamagitan ng pagsupok o pagsunog ng apoy ay gugunawin ng Diyos ang
buong sanglibutan . Ang kapangyarihan ng isang tao ay hindi makapagliligtas sa
kaniya sa araw na iyon: “ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng
kalagimlagim”. Maging ang kaniyang kayamanan: “Kahit ang kanilang pilak o ang
kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan
ng Panginoon”.
Sinasabi ng iba na, “eh ang sabi
diyan ay sa lupa magaganap ang pagsupok sa pamamagitan ng apoy, eh papaano kung
ang tao ay gumawa ng tirahan sa labas ng mundo o di kaya ay sa buwan, eh di
hindi siya mamamatay?” May mapupuntahan ba ang tao sa panahong ito na kung saan
ay hindi siya mapupuksa? Ating tunghayan ang sabi ng Biblia:
Obadias 1:4 “Bagaman ikaw ay
pailanglang sa itaas na parang aguila, at bagaman ang iyong pugad ay malagay sa
gitna ng mga bituin, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.”
Maliwanag na walang makatatakas sa
araw na yaon, dahil sabi ng Diyos kahit na ang tao’y gumawa ng pugad o tirahan
sa mga bituin, ay ibababa siya ng Diyos mula roon, kaya hindi siya
makaliligtas. Eh paano naman kung tangkain ng tao na humukay ng malalim at doon
naman siya magtago?
Amos 9:2 “Bagaman sila'y humukay
hanggang sa Sheol, mula roo'y kukunin sila ng aking kamay; at bagaman sila'y
sumampa hanggang sa langit, mula roo'y ibababa ko sila.”
Ang salitang “sheol” ay salitang Hebreo
na nangangahulugang “balon” o “dako ng mga patay”. Ang ibig sabihin lamang nito
ay hindi makapagtatago ang tao kahit na siya’y humukay pa ng napakalalim at
doon siya gumawa ng tirahan niya. Maliwanag na maliwanag na walang magagawa ang
tao para takasan ang magaganap na matinding kasakunaang ito na malapit nang
dumating, dahil hindi lamang ang lupa ang masusunog kundi maging ang mga bagay
na nasa langit:
2 Pedro 3:10,7 “Datapuwa't darating
ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na
iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay
mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang
masusunog…. Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng
gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng
paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.”
Kitang-kita natin ngayon na hindi
makatatakas ang mga tao saan man siya magtungo sa magaganap na pagpuksa ng
Panginoon, na ito nga ay ang Araw ng Paghuhukom na siyang paglipol ng Diyos sa
mga taong masama.
Magagawa ba ng tao na malaman kung
kailan mangyayari ang Paghuhukom? Maaari pa ba siyang makapaghanda upang
maiwasan ito? Binanggit na sa mga talata sa itaas na: “darating ang araw ng
Panginoon na gaya ng magnanakaw”, Ito’y mangyayari tulad ng pagdating ng
magnanakaw na hindi nagpapaalam o nagsasabi na siya’y darating. Samakatuwid
walang makakaalam kung anong araw at anong oras ito mangyayari, at ito’y
nilinaw sa atin ng Panginoong Jesus:
Mateo 24:36 “Nguni't tungkol sa araw
at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang
Anak, kundi ang Ama lamang.”
Walang nakakaalam sa pagdating ng
Paghuhukom, kahit ang Anak o ang ating Panginoong Jesu Cristo ay hindi alam
kung kailan ito mangyayari. Ang tanging nakakaalam ay ang AMA lamang ang
nagiisa at tunay na Diyos (Juan 17:3,1). Kaya huwag tayong maniwala doon sa mga
taong nagbibigay ng eksaktong petsa gaya nung mga tagasunod ni Nostradamus, ng
mga Sabadista, mga Saksi ni Jehovah, Family Radio, at iba pa, dahil hindi po
kailanman nila ito malalaman, dahil ang Diyos lamang po ang nakakaalam nito. At
dahil sa hindi natin ito malalaman kung kailan mangyayari, ay hindi natin ito
mapaghahandaan para ating maiwasan:
Mateo 24:37-39 “At kung paano ang
mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. Sapagka't gaya
ng mga araw bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa
at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, At hindi nila
nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay
gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.”
Ipinaliwanag ng Panginoong Jesus na
ang muli niyang pagparito ay katulad nung panahon ni Noe nang gunawin noon ng
Diyos ang mundo sa pamamagitan ng malaking baha. Sinabi niya na ang mga tao
noon ay nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapagaasawa, nang
dumating ang baha at nalunod ang lahat ng tao na hindi nakapasok sa daong. Sa
madaling salita darating ang Paghuhukom o ang muli niyang pagparito na ang mga
tao ay gumagawa ng kaniyang normal na gawain. Maliwanag kung gayon na walang
makapaghahanda dahil walang makakaalam nito.
Eh papaano naman iyong nagsasabi na
hindi naman mangyayari ang Paghuhukom at nananakot lang daw ang mga tao na
naniniwala dito? Ano ba ang kasiguruhan na mangyayari ang Paghuhukom? Basahin
natin ang sagot:
Hebreo 9:27 “At kung paanong
itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang
paghuhukom;”
Ang ebidensiya na mangyayari ang
paghuhukom ay napakalinaw, dahil ang sabi ng Biblia ay “kung paanong itinakda sa
mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;” Walang
tututol sa katotohanang ang tao ay namamatay, kung paanong tiyak ang pagdating
ng kamatayan ng isang tao, ay tiyak din ang pagdating ng Paghuhukom, kaya po
walang dahilan para hindi po natin ito paniwalaan.
Bukod sa rito’y nagbigay ang
Panginoong Jesu Cristo ng mga palatandaan na talagang mangyayari ito, gaya ng
ating mababasa:
Mateo 24:3 “At samantalang siya'y nakaupo
sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na
nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at
ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?”
Na ang mga palatandaang ito’y ang
mga sumusunod:
Mateo 24:6-8 “At mangakakarinig kayo
ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong
magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang
wakas. Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban
sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. Datapuwa't ang
lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.”
Binanggit ng Panginoong Jesus, ang
mga Digmaang kakasangkutan ng mga bansa, at naganap nga ang Unang Digmaang
Pandaigdig (1914 - 1918), na sinundan naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig
(1939 - 1945). Nagkaroon ng pagkakagutom sa ilang mga bansa, at ang paglindol
sa iba’t-ibang dako na hanggang sa kasulukuyan ay patuloy na nagaganap na
kamakailan lamang ay naganap sa New Zealand, China, at sa Japan na lumikha pa
ng malaking pagbaha o tsunami na kumitil ng napakaraming buhay. At ang patuloy
na paglaganap at paglala ng kahirapan na kahit na ang malalakas na bansa gaya
ng America at ilang mga bansa sa Europa ay nakakaranas na nito ngayon.
Kitang-kita na natin na natupad na ang mga ito. At dahil sa ang mga palatandaan
ay natupad na, ano ang ibinabadya nito?:
Mateo 24:33 “Gayon din naman kayo,
pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na
siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.”
Malinawag kung gayon na dahil sa
naganap na ang mga palatandaan, dapat nating malaman na napakalapit na ng
Paghuhukom. Maaaring mangyari ngayon, bukas, o sa isang araw, sa isang Linggo,
walang nakakaalam.
Ito ngayon ang malaking tanong:
Paano tayo makaliligtas? Ang Biblia ba ay nagtuturo ng kaparaanan kung papaano
tayo maliligtas? Ating ipagpapatuloy ang pagtalakay…
Ang mga Maliligtas sa Paghuhukom
Paano nga ba makaliligtas ang tao
pagdating ng nakakatakot na araw na ito ng kapootan ng Panginoon. Meron bang
ipinakikilala ang Biblia na mga makaliligtas sa kapahamakang ito na napakalapit
nang dumating? Ating basahin ang sagot:
1 Tessalonica 4:16-17 “Sapagka't ang
Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng
arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay KAY CRISTO ay unang
mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira,
ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa
hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.”
Ang makaliligtas sabi ng Biblia ay
yung mga taong “kay Cristo” o pag-aari ni Cristo. Sila ang mapalad na
makaliligtas sa Paghuhukom, ang mga namatay na kay Cristo ay mga unang
bubuhayin, at ang mga daratnang buhay ay hindi na makakaranas pa ng kamatayan
kundi sila’y aagawin at isasama doon sa mga muling binuhay at iaakyat kapuwa sa
alapaap kasama ng Panginoon at sila’y makakasama niya magpakailan kailanman.
Ang mga kay Cristo ay ang mga hindi
madadamay o mamamatay sa pagpuksa ng apoy bunga ng Paghuhukom, dahil bago ito
mangyari ay darating si Cristo upang kunin sila. Kaya napakahalaga na ating
matiyak na tayo ay tunay na kay Cristo. Lahat ba ng tao ay kinikilala ni
Cristong kaniya? Eh paano iyong mga nagsasabi na kumikilala at tumatawag naman
daw sila kay Cristo kaya kay Cristo din sila? Lahat ba ng tumatawag at
kumikilala kay Cristo ay kaniya?
Mateo 7:21-23 “Hindi ang bawa't
nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit;
kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang
mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga
nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng
mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang
makapangyarihan? At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi
ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng
katampalasanan.”
Kitang-kita ang ebidensiya na hindi
ang bawa’t tao na kumikilala o tumatawag kay Cristo na Panginoon ang
makapapasok sa langit. Sa madaling salita hindi lahat ng tao na kumikilala at
sumasampalataya sa kaniya ay maliligtas. Sinabi niya na iyon lamang gumaganap
ng kalooban ng kaniyang Ama na nasa langit. At ipinakita din sa talata ang
kasawiang sasapitin ng mga taong hindi kay Cristo, na kahit gumawa pa ng kung
anu-anong mga dakila at makapangyarihang mga gawa ay balewala kay Cristo
sapagkat hindi sila kinikilala ni Cristong kaniya. Kaya napakahalaga na ating
matiyak na tayo ay tunay na kay Cristo sapagkat ang mga kay Cristo lamang ang
ililigtas niya pagdating ng araw ng Paghuhukom.
Ang mga Kay Cristo na ililigtas niya
Sino ba ang kinikilala ni Cristo na
kaniya? Ating tunghayan ang malinaw na sagot ng Tagapagligtas:
Mateo 16:18 “At sinasabi ko naman sa
iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang AKING
IGLESIA; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.”
Ang kinikilala ni Cristong kaniya ay
ang kaniyang Iglesia.
Samakatuwid ang dapat gawin ng tao ay ang sikapin na
mapabilang sa Iglesiang kinikilala ni Cristong kaniya na ito nga ay ang Iglesia
ni Cristo.
Roma 16:16 “Mangagbatian kayo ng
banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga IGLESIA NI CRISTO.”
Kaya nga hindi naman nagkulang ang
Biblia ng pagtuturo kung papaano ang kaparaanan sa kaligtasan at ito’y nilinaw
sa atin ng Panginoong Jesus mismo, narito ang dapat nating gawin para
mapabilang sa mga taong kinikilala ni Cristo na kaniya:
Marcos 16:15 “At sinabi niya sa
kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio
sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas;
datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
Napakaliwanag ng sagot ng Panginoong
Jesus, kinakailangan na tayo ay mapangaralan ng evangelio o Biblia, kailangan
nating sumampalataya sa mga aral nito, at mabautismuhan, at tayo ay maliligtas.
Maaaring sabihin ng iba: “Kaibigan
ako ay inaralan na at nabautismuhan sa relihiyon kong kinabibilangan”.
Bakit? Ang bautismo bang tinutukoy
ay ang bautismo ng kahit na sinong relihiyon o Iglesia? Ang sagot: Hindi, dahil
nilinaw din kung saan tayo dapat mabautismuhan? Ating tunghayan ang sagot:
1 Corinto 12:12-13 “Sapagka't kung
paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng
mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si
Cristo. Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang
katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong
lahat ay pinainom sa isang Espiritu.”
Ang taong nagnanais na maligtas sa
Araw ng Paghuhukom ay kinakailangang mabautismuhan sa isang katawan, na ang
katawang tinutukoy ay ang katawan ni Cristo kung saan kinakailangan na tayo ay
maging sangkap o maging miembro nito. Alin ba iyong katawan ni Cristo na kung
saan dito tayo dapat mabautismuhan? Basahin natin:
Colosas 1:18 “At siya ang ulo ng
katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa
mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.”
Ang katawan ni Cristo na tinutukoy
ay ang Iglesia. Ang kaniyang katawan na siya rin ang ulo nito – ang Iglesia ni
Cristo. Dito sa Iglesiang ito na pinangunguluhan ni Cristo dapat mapabilang o
maging kaanib ang tao upang siya’y magtamo ng kaligtasan. Ito ang itinuturo na
paraan ng Tagapagligtas upang tayo ay makaligtas sa nakatakdang kapahamakan na
napakalapit nang dumating.
Dahil ang Iglesia ni Cristo ang ililigtas
ni Cristo:
Efeso 5:23 “Sapagkat ang lalaki ang
ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang
katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” [Magandang Balita, Biblia]
At ito ang pinaghandugan niya ng
kaniyang buhay:
Efeso 5:25 “Mga lalaki, ibigin ninyo
ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya
ang kanyang buhay para rito,” [MB]
Ang sinomang nagnanais na makaligtas
ay hindi niya kailanman maiiwasan ang pag-anib sa tunay na Iglesia sapagkat ito
ang tanging kaparaanang itinuturo ni Cristo na ating Tagapagligtas. Ang
mapapabilang dito ay ang magtatamo ng kaligtasan pagdating ng Araw ng
Paghuhukom…
No comments:
Post a Comment